HINDI totoo ‘yung balitang hindi pinasipot si Alden Richards sa PMPC Star Awards for Music and TV noong Linggo (Oct. 23) sa Novotel para iwas gulo. Lumabas sa isang tabloid (hindi sa Hataw) na hindi na raw pina-attend ang Pambansang Bae dahil baka maulit muli ang pandemonium na naganap last year sa Star Awards for TV sa Kia Theaters. Itinigil noon pansamantala ang awards night para awatin ang fans.
Sa totoo, lang hanggang gabi ay kinukulit pa rin ang kampo ni Alden na humabol sa awards night pero ‘di na kinaya ng schedule niya.
Nakatanggap kami ng text mula kay Alden na humihingi ng pasensiya sa PMPC (Philippine Movie Press Club).
“Hi Tito, sorry po kung hindi ako nakapunta sa PMPC kahapon (Sunday, Oct. 23), mahirap po ang schedule ko ngayon, nakipag- meeting po ako sa kapartner ko sa restaurant kasi mag-o-open na po ‘yung Concha’s branch po namin sa QC ng 1st week of November and aalis na naman po kasi ako next week papuntang Europe and sobrang puno po ng schedule ko this week.
“Sana ‘wag pong sumama ang loob niyo and sana naiintindihan niyo rin po ako. Salamat po.”
Paliwanag naman ng kanyang manager na si Carlites De Guzman, may Boardwalk event pa raw noong Sunday si Alden sa Alabang tapos may AlDub Anniversary pa.Humabol pa rin daw ito sa kausap niya sa Tagaytay para sa restaurant niya sa QC.
“Tinawagan ko sila sabi pipilitin daw makapunta after niyon,” sambit pa ni Carlites.
Sabi ko nga kay Alden sa text, naiintindihan namin siya. Ang sa amin lang hindi naman para sa amin ang award na ‘yun kundi para sa kanya at kami ang nanghihinayang dahil hindi niya personally natanggap ang apat na awards. Bihira sa isang artist ang hahakot ng apat na major awards sa isang awarding ceremony. Nasayangan kami na hindi nagawan ng paraan ang schedule niya dahil hindi yearly nangyayari ‘yun.
“Pasensiya na po talaga kayo Tito pero maraming-maraming salamat po,” pakli pa niya sa text.
Napanalunan ni Alden sa 8th PMPC Star Awards for Music ang Male Pop Artist of The Year, Album of the Year para sa album niyang Wish I May, Song of the Year para sa kanta niyang Wish I May, at Pop Album of the Year para pa rin sa Wish I May album niya.
Nangako naman si Alden na magre-record ng video ng acceptance speech niya na ipalalabas sa Star For M-TV Awards: The Fusion Of Philippine Entertainment’s Best sa ABS-CBN Sunday’s Best sa ika-20 ng Nobyembre. Ito ay sa direksiyon ni Bert De Leon.
TALBOG – Roldan Castro