HINDI na magiging madali para sa mga Kano ang pumasok sa Filipinas dahil gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng visa requirement sa mga US citizen na bibiyahe sa bansa.
Sa kanyang pagharap sa mga negosyanteng Filipino at Chinese sa Beijing, China kamakalawa ng gabi, binigyang-diin ni Pangulong Duterte sa kanyang mensahe na dapat ay maging patas ang labanan dahil ang mga Filipino na gustong magtungo sa US ay kailangan ng visa at dumaraan pa sa butas ng karayom para lamang makakuha nito.
Habang ang mga US visa holder ay makapapasok sa Filipinas nang walang ano mang requirement.
Inilahad ng Pangulo, ang masamang karanasan niya sa US Immigration officers sa Los Angeles airport noong dumaan sila rito kasama ang ilang kongresista upang magtungo sa Brazil noong siya ay congressman ng Davao.
Kung ano-ano aniya ang hinanap sa kanya ng immigration officer sa Los Angeles airport hanggang gusto pa siyang i-detain dahil hinahanap pa ang kanyang authority to travel.
ni ROSE NOVENARIO