PAIIMBESTIGAHAN muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Mamasapano incident na ikinamatay ng 44 Special Action Force (SAF) sa Maguindanao noong Enero 25, 2015.
Sa kanyang talumpati sa Philippines-China Trade and Investment Forum sa Great Hall of the People sa Beijing, China kamakalawa, sinabi ng Pangulo nais niyang mabatid ng samba-yanang Filipino ang mga tunay na detalye sa pagkamatay ng SAF 44 sa Mamasapano, Maguindanao at kung kanino napunta ang limang milyong dolyar na pabuya para sa ulo ni Indonesian bomb expert Zulkifli bin Hir alyas Marwan.
“Forty-four Mamasapano soldiers, they went inside, they died. No dramatics, no nothing. No… Except that we grieve for our soldiers. Maybe in this — in the days ahead, I will order the opening of that issue again. Not really to prosecute people but just to know what happened? Who got the five million?” ayon sa Pangulo.
Gusto ng Pangulo na matuklasan kung ang daliri ni Marwan ay kinuha ng US Special Forces o talagang dinala at isinailalim sa forensic exam sa Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory sa Camp Crame.
“Whether the tip of the finger of Marwan, was gotten by the Special Forces of United States or was it really brought to the forensic division diyan sa Crame. These are the lies that are imposed upon the people which is not good. Let us go for the truth. Let it out. Never mind about corruption. Too late in the day,” aniya.
Magugunitang batay sa report ng Board of Inquiry (BOI) hinggil sa Mamasapano operation, nakasaad na nilabag ni Pangulong Benigno Aquino III ang “chain of command” nang payagan si suspendidong PNP Chief Alan Purisima na pangunahan ang operasyon laban kay Marwan.
Hindi sumipot at hindi nagsumite ng salaysay si Aquino sa BOI na pinamunuan ni Deputy Director Benjamin Magalong at laging sinisisi ng noo’y Presidente Aquino si dating SAF chief Director Getulio Napenas sa palpak na operasyon dahil niloko raw siya at maraming ‘wishful thinking’ kaysa realidad.
Kamakailan, tinawag ni Pangulong Duterte na resulta ng katangahan at kasuwapangan ang Mamasapano incident at kaya inilarga ng administrasyong Aquino ang operasyon ng SAF sa Mamasapano ay para makobra ang bounty na limang milyong dolyar para sa ulo ni Marwan.
“Yung sa Mamasapano, it is a question of greed, kuwarta. Gusto nila mamatay ang ating tao, ang tropa sa SAF becoz somebody para makuha nila ang reward na 5M, ‘yan ang pinag-awayan nila e. Ang gusto niya siya lang kaya… so there was fighting, almost the whole day, na ‘yung Region 11 Davao City may chopper, meron din sa Awang at sa Gensan,” ayon sa Pangulo.
( ROSE NOVENARIO )