WALA pang basehan ang ano mang pangamba ng iba’t ibang sektor sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyan nang kumalas sa relasyon sa Amerika at makipag-alyansa sa China at Russia.
Ayon kay Communications Assistant Secretary Marie Banaag, wala pang dahilan para maalarma sa sinabi ng Pangulo dahil wala pang opisyal na papel o hindi pa dokumentado at maaaring sa transaksiyon lang sa mga pamahalaan ang tinukoy ng Punong Ehekutibo.
“In fact that is—on the light of that matter, since wala pa tayong pagbabasehan na papel hindi kailangan mag-worry or mag-react tayo kung ano man ‘yung nasabi ng Pangulo since wala pa sa papel po, especially for private businessmen dito or ‘yung mga nasa America, wala po tayong dapat ikabahala. Kung meron man po na tinutukoy siguro ang Pangulo rito, it would be government transactions. But I’m not interpreting,” ani Banaag.
Hihintayin na lang aniya ng Palasyo ang tagubilin ng Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa pakay ni US Assistant Secretary of State for East Asian and Pacific Affairs Daniel Russel na darating sa Filipinas bukas upang hilingin ang pagbibigay ng linaw sa mga naging pahayag ni Pangulong Duterte sa China.
“For now we are not yet aware of that but we would be pumped by DFA AS soon as the official communications has been given then,” ani Banaag.
Sa press briefing sa US State Department kamakalawa ay sinabi ni Spokesperson John Kirby, matagal nang nakatakda ang pagbisita sa bansa ni Russel ngunit inamin niya na hihirit ng paliwanag ang Amerika sa tinuran ni Duterte na pakikipaghiwalay sa US.
“We are going to be seeking an explanation of exactly what the president meant when he talked about separation from the U.S. It’s not clear to us exactly what that means in all its ramifications, so we’re going to be seeking a clarification on that. I would add that Assistant Secretary Russel will be in the Philippines, in Manila this weekend. This trip was long-scheduled; I don’t want to give any impression that it was thrown on as a result of recent comments or activities. It was something he’s been planning for months, but it does give us an opportunity in the context of these comments to try to get a better explanation of what was meant by “separation” and where that’s going,” sabi ni Kirby.
Aniya, hindi lang Amerika ang naguguluhan sa mga pahayag ni Duterte kontra-Amerika kundi maging ang mga kaibigan at katambal ng US sa rehiyon ng Asya-Pasipiko ngunit sa kabila nito’y naniniwala pa rin si Uncle Sam na matatag ang alyansang Amerika at Filipinas.
( ROSE NOVENARIO )
DUTERTE STATEMENT DAPAT LINAWIN — US
HIHINGI ng paliwanag sa Filipinas ang US kaugnay sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na pakikipaghiwalay sa Amerika.
Ayon kay State Department spokesman John Kirby, mahalaga ang paliwanag ng pangulo para malinawan kung ano nga ba ang ibig sabihin ng Pangulong Duterte sa pakikipaghiwalay sa US.
Dagdag niya, maging sila ay hindi maipaliwanag ang ibig sabihin ng Pangulo.
Reaksiyon ito ng Amerika sa naging pahayag ni Duterte habang nasa China, na tapos na ang pakikipag-alyansa ng Filipinas sa US sa aspektong militar at ekonomiya.
PH-US TRADE TULOY WALANG
PAGBABAGO — DTI CHIEF
BEIJING, China – Tiniyak ni Trade Sec. Ramon Lopez, walang pagbabago sa relasyon ng Filipinas at Estados Unidos.
Sa kabila ito ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakikipaghiwalay sa US.
Sinabi ni Sec. Lopez, patuloy kung ano ang mayroon ngayon sa pagitan ng US at Filipinas lalo sa export at import sector.
Ayon kay Lopez, ang pahayag ng Pangulo ay pagtigil lamang sa pagdepende ng Filipinas sa US at makahanap ng ibang mga oportunidad lalo sa usapang pang-ekonomiya.
PAGKALAS SA US PABOR SA PH
ECONOMY — DOF, NEDA
BEIJING, China – Todo-depensa sina Finance (DoF) Sec. Carlos Dominguez at National Economic Development Authority (NEDA) Sec. Ernie Pernia sa naging anunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa tuluyan nang pakikipaghiwalay ng Filipinas sa Estados Unidos.
Sinabi nina Dominguez at Pernia, napakahalaga ng mensahe ni Pangulong Duterte at agad kikilos ang gabinete tungo sa regional economic integration.
Ayon sa economic managers ni Pangulong Duterte, dahil sa desisyon o bagong polisiya ng Pangulo, nabuksan ang oportunidad ng Filipinas sa trade and investment sa regional market ng nasa 1.8 bilyon katao.
Habang nilinaw nina Dominguez at Pernia, tuloy pa rin ang ugnayan ng Filipinas sa Western countries ngunit gaya ng interes ng ASEAN economies, mas palalakasin ngayon ang pakikiisa o integrasyon sa rehiyon gaya sa China, Japan at South Korea.
Ang nasabing regional integration na papasukin ng Filipinas at ASEAN ay katulad din ng European Union (EU), NAFTA sa North America at MERCOSUR sa South America.