INIIMBESTIGAHAN ng Palasyo ang anggulong buwelta ng sindikato ng ‘ninja cops’ ang madugong pagbuwag ng mga pulis sa kilos-protesta ng mga Moro at katutubo sa harap ng US Embassy kahapon na ikinasugat ng mahigit sa 120 rallyista at maraming iba ang nadakip.
Isang source sa intelligence community, bineberipika nila ang impormasyon na sinasabotahe ng sindikato ng ninja cops ang administrasyong Duterte dahil nabulabog ang hanapbuhay nilang pagre-recycle ng nakompiskang shabu sa drug war na isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Itinaon aniya ng ‘ninja cops’ ang pagresbak kay Duterte habang nasa ibang bansa ang Pangulo at naging collateral damage pa ang mga katutubo na ipinaglalaban ang pagmamay-ari sa lupang tinubuan.
Kamakailan ay nag-alok si Pangulong Duterte ng P2M sa bawat ninja cop na mahuhuli ng mga pulis.
Anang Pangulo, maituturing na treason o pagtataksil sa bayan ang pagre-recycle at pinagkakakitaan ng mga pulis ang mga nakokompiska nilang illegal drugs.
Magugunitang, inatasan ng Pangulo ang mga pulis sa Region 9 na kumuha ng kopya ng listahan ng mga ninja cops para hulihin.
Paalala niya sa mga pulis, huwag magkompiyansa sa operasyon dahil maaaring sila ang mapaslang ng mga aarestohing ninja cop na armado rin ng baril.
Nauna rito’y pinaimbestigahan at pinasampahan ng kaso ng Pangulo ang mga tinawag niyang narco-generals na sina Joel Pagdilao, Edgardo Tinio, Bernardo Diaz, retired police general Vicente Loot na ngayo’y alkalde ng Daanbantayan, Cebu,at retired police general Marcelo Garbo.
Batay sa ulat, ang nag-utos nang marahas na pagpisak sa rally ay si Col. Marcelino Pedrozo ng Manila Police District (MPD).
( ROSE NOVENARIO )