PIRMADO na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na magpapaliban sa barangay at Sangguniang Kabataan elections na unang itinakda ngayong ika-31 ng Oktubre.
Sa press briefing sa palasyo kahapon, sinabi ni Presidential Communications Office Assistant Secretary Ana Marie Banaag na hinihintay na lang nila ang kopya nang nalagdaang batas.
Ito ang kauna-unahang Republic Act na pinirmahan ni Pangulong Duterte simula nang mailuklok sa Malacañang.
Limitado pa ang detalye ng PCO sa nilalaman ng bagong batas na magpapaliban sa halalan sa barangay at Sangguniang Kabataan.
Sa panukalang batas ng Senado o Senate Bill 11-12 at House Bill 3504, nakasaad na ipagpapaliban ang SK at barangay elections sa Oktubre 23, 2017 at nakasaad sa section 3 ng parehong panukala ang hold-over provision o mananatili sa puwesto ang kasalukuyang mga opisyal ng barangay at SK.
ni ROSE NOVENARIO