PAKANA ng ‘dilawan’ ang pagdawit kay Pangulong Rodrigo Duterte sa extrajudicial killings sa bansa na sinakyan ng US, Eupropen Union at United Nations bilang ganti sa pangungulelat noong nakalipas na eleksiyon.
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na inumpisahan ng mga ‘dilawan’ ang demolition campaign laban sa kanya nang tumaas nang todo ang kanyang ratings noong nakalipas na presidential elections na itinuloy hanggang magwagi at maluklok siya sa Palasyo.
Sinakyan aniya ng Amerika, European Union (EU) at United Nations Special Rapporteur ang paninira sa kanya ng mga ‘dilawan.’
Giit ng Pangulo, hindi labag sa batas ang mga pahayag niya na nagbabanta sa mga kriminal na papatayin niya.
“Saka.. itong mga Amerikano na… ayan, may istorya, sabihin nila na I am threatening. Doon sa EU ang ginamit nila, ‘This politician is threatening the criminals with death.’ There is nothing wrong in threatening criminals to death. By that statement alone, maski ikaw masabi mo, ‘Kayong mga kriminal, patayin ko, huwag kayong manggulo.’ It is a perfect statement,” ayon sa Pangulo.
Parte rin aniya ng pakana ng mga ‘dilawan’ laban sa kanya ang ‘basurang’ bintang ni Sen. Antonio Trillanes laban sa kanya na may daan-daang milyong pisong deposito siya sa isang banko sa Pasig City.
Natawa ang Pangulo sa akusasyon ni Trillanes sa kanya dahil kung totoo aniya ito ay hindi na sana siya tumakbo sa pagka-Pangulo at namasyal na lang.
“Ngayon, gusto nilang hilahin doon for that statement. If it is not a crime in my country, why would you just… kaya ako sa galit ko, minumura ako. Why? Kasi noong umpisa iyan ng yellow – yellow talaga iyan e, yellow iyan – sinakyan na. Remember that it was not an issue against me; it was only after I was hitting the ratings na lumabas na iyong mga basura nila Trillanes, iyong aking mga deposito… (laughs) susmaryosep. Kung mayroon ako, ganoon karaming pera, hindi mo ako makita rito. Sa edad kong 71 years old, mamasyal na ako maski saan,” aniya.
Tinalo ni Duterte sa presidential elections ang kandidato ng Liberal Party o mga ‘dilawan’ na si Mar Roxas ngunit ang nagwagi sa pagka-bise presidente ang kandidato nilang si Leni Robredo.
Mula rin sa hanay ng ‘dilawan’ si Sen. Leila de Lima na tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinakamataas na narco-politician sa Filipinas.
( ROSE NOVENARIO )
DRUG WAR MAGPAPATULOY
BRUNEI – Binigyang-diin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng Filipino community sa Brunei, magpapatuloy ang kanyang maigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa Filipinas.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag sa Indoor Stadium Hassanal Bolkiah National Sports Complex sa harap ng 6,000 Filipino.
Sinabi ni Pangulong Duterte, hindi siya papatinag o papipigil sa tinatanggap na mga batikos maging mula sa international groups at ilang world leaders.
Ayon kay Pangulong Duterte, alam niya kung gaano kalala ang problema na maaaring makasira sa susunod na henerasyon ng mga Filipino.
“Why am I here? I am here because I love my country and I love the Filipino people. Do not destroy the youth of the land and deprive us of a brighter tomorrow for next generation,” ani Pangulong Duterte.
Bukod sa ilegal na droga, tiniyak din ng Pangulo ang paglaban sa katiwalian sa bansa.
SINDIKATO SA JUDICIARY
BINALAAN NI DIGONG
BILANG na ang araw ng judiciary fixer at bentahan ng kaso sa panahon ng administrasyong Duterte.
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panayam ng Al-Jazeera, naniniwala siya sa judicial system dahil ginagarantiya niya na masusunod ang mga batas habang siya ang nakaupo sa Palasyo.
“Right now, I still believe in the system because I will guarantee this time that the law is obeyed,” aniya.
Upang bigyan-diin ang korupsiyon sa hudikatura, inihalimbawa ng Pangulo sa mahigit 1,000 kasong may kaugnayan sa illegal drugs na nakasampa sa mga hukuman sa Maynila, ni isang akusado ay walang nahatulan.
“There are judges here in Manila, more than 1000 cases, no conviction at all of a drug case,” dagdag niya.
Paliwanag ng Pangulo, ang laro ng sindikato sa hudikatura para maging kuwarta o maareglo ang kaso at hindi na umusad ay mala-lagareng Hapon na magkabila ang talim, parehong panig, ang akusado at complainant ay tatakutin.
Ito aniya ang naging sanhi kaya naging miserable ang problema sa illegal drugs sa bansa.
“That is where banned if closed, uh uh, maybe savagery, threatening people on both sides. That is how it is played here, that is why we are this miserable thing about the drug problem now,” ayon sa Pangulo.
Nauna nang ibinulgar ni Pangulong Duterte sa kanyang pagbisita sa Camp Manuel T. Yan Sr. sa Compostela Valley noong Setyembre 20 na natuklasan niya na kaya lumakas ang operasyon ng illegal drugs noong nakaraang administrasyon ay bunsod nang pagkampi sa kanila ng mismong Department of Justice (DOJ).
Tinawag ng Pangulo na “San Beda scandal” ang pag-aktong padrino sa illegal drugs ng ilang brother niya sa fraternity sa San Beda College na nagtapos din si De Lima.
( ROSE NOVENARIO )