GRABE ang pasuweldong P280 sa loob ng 12 oras ng mga sekyu ng Team Luck na may tanggapan sa City of San Jose del Monte, Bulacan.
Ayokong sabihin na balatuba ang may-ari ng nabanggit na security agency, balasubas mas dapat na itawag. Ang minimum wage ng isang manggagawa ay P480 sa isang araw, lintik din dinagdagan lamang ng P40 ang kalahati ng minimum wage sa otso oras na trabaho.
***
Dapat pansinin ng Department of Labor ang ganitong sistema ng pasuweldo, dahil dose oras ay P280 lamang ang ibinibigay, samantala 12 oras ang trabaho ng mga sekyu. Nang makapanayam ko ang mga sekyu ng Team Luck, dama ko ang kanilang pagmamakaawa na sana ay mabigyan ng pansin ang kanilang problema, dahil hindi makabubuhay ng pamilya ang kanilang sahod.
***
Mensahe sa Management ng Team Luck Security Agency, mahiya naman kayo sa balat ninyo! Mas malaki pa ang suweldo ng construction worker sa mga sekyu ninyo! Dose oras walang overtime pay, dapat magkaisa ang mga sekyu para magreklamo laban sa balasubas na may-ari ng Team Luck Security Agency!
Si Congresswoman may puso…
Isang kapatid namin sa hanapbuhay sa katauhan ni Boyet Bizares ng pahayagang Pilipino Mirror ang ngayon ay nakaratay sa Intensive Care ng Pasay City General Hospital, comatose siya dahil sa stage 4 cancer.
Ngayon pa lamang ay nagpapasalamat na ang buong Pasay City Reporters kay Congresswoman Emi Calixto-Rubiano, dahil ano man ang gastusin sa hospitalization ni Bizares ay kanyang sasagutin.
Ibang klase si Congresswoman Emi, may puso sa media na alam niyang hikahos sa buhay.
Mabuhay ka Congresswoman!
Kilala si Congresswoman Emi Calixto-Rubiano sa serbisyo publiko, napakasipag at napakamatulungin, hindi kami nagkamali ng paglapit sa kanya, na nagsimula lamang sa kuwentohan sa pagkakasakit ni Bizares, hanggang mag-alok ng tulong.
Ilan pa kaya ang tulad ni Congresswoman sa lungsod ng Pasay?
Nalulungkot ang mga Kapitan
Nakapanayam ng inyong lingkod ang ilang kapitan ng barangay sa isang siyudad sa kalakhang Maynila.
Sama ng loob ang kanilang ibinulalas sa kanilang Alkalde, na muling nahalal. Ayon sa mga Kapitan, pagkatapos ng eleksiyon, ay wala nang tulong silang natatanggap gaya ng tulong pinansiyal mula sa sinuportahang Alkalde.
Hindi na rin umano sila pinapansin, at mahirap nang kausapin. Nagbabago raw ang lahat kapag malapit ang araw ng eleksiyon, naalala sila at sila pa ang tatanungin kung may problema.
Subali’t ngayon, kapag pumapasok ang mga kapitan sa opis ng Meyor, suwerte umano silang kausapin, at kapag problemang pinansiyal ang kailangan ng Kapitan, mag-abot man barya-barya na lamang!
Sino siya? Hindi ako malapit sa mayor na ito, ganito pala siya?
ISUMBONG MO KAY DRAGON LADY – Amor Virata