HINAMON ng Communist Party of the Philippines (CPP) si Pangulong Rodrigo Duterte na tuparin ang pangakong palayain ang lahat ng bilanggong politikal bago matapos ang taon.
Sa kalatas, inihayag ng CPP na masidhi ang pagnanasa ng rebolusyonaryong puwersa na bumuo ng patriotikong alyansa sa rehimeng Duterte na mahalaga sa pagpapatibay ng postura nitong anti-US.
“It will further boost the Duterte regime’s efforts to forge an alliance with the patriotic forces which is vital to its political consolidation amid the political pro-US counter-offensive by General Ramos and his ilk of Amboys,” ayon sa CPP.
Bagama’t natutuwa ang CPP sa pagsusulong ni Duterte ng independent foreign policy, nais nilang tuparin ng administrasyon ang commitment na susunod sa mga obligasyon sa ilalim ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), upang lalong tumaas ang kompiyansa ng National Democratic Front (NDF) sa pakikipagnegosyasyon at paglagda sa mga kasunduan na mabubuo sa pamahalaang Duterte.
Bilang isang leftist, sigurado ang CPP na may simpatiya si Duterte sa 434 political prisoners na kaya nakakulong ay dahil sa pakikibaka laban sa mga tuta ng Amerikanong rehimeng Aquino at Arroyo.
Anila, ang paniniwalang politikal ng political prisoners ay gaya nang nais na ipatupad na independent foreign policy ni Pangulong Duterte.
“They were imprisoned because they stood up and struggled against the US puppet regimes of Aquino and Arroyo. Their political beliefs are congruent with the Duterte regime’s promotion of an independent foreign policy,” ayon sa CPP.
Kapag pinalaya anila ang lahat ng bilanggong politikal ay magbibigay daan ito sa pagpirma sa bilateral ceasefire agreement.
Sabi ng CPP, kapag walang nalagdaang bilateral ceasefire ang gobyerno at kilusang komunista ay maaaring mapilitan ang Partido at New People’s Army (NPA) na wakasan ang idineklarang indefinite ceasefire upang maging mas epektibong maipagtanggol ang sarili, ang karapatan at interes ng mga mamamayan dahil ipinagpapatuloy ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang “hostile counter-insurgency operations.”
( ROSE NOVENARIO )