MAHIGIT tatlong buwan pa lamang ang administrasyong Duterte, lumulutang na ang umpugan ng interes ng mga miyembro ng gabinete na binubuo ng mga progresibo o maka-kaliwa at mga negosyante’t malalapit na kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam kay National Economic and Development Authority (NEDA) Director-General Ernesto Pernia sa Philippine Chamber of Commerce Inc. (PCCI) Philippine Business Conference and Expo sa Pasay City, inihayag niya batay sa ipinadalang position paper ng economic managers kay Pangulong Duterte, tinututulan nila ang planong implementasyon ng dalawang-taon moratorium laban sa land conversion ng mga lupang sakahan.
“We are trying to prevent that (moratorium on land conversion) from happening,” ani Pernia.
“Ipinadala na namin sa Malacañang and we have wide support. PCCI is supporting foundation for economic freedom, supports us, many other economic colleagues in universities,” aniya hinggil sa kanilang position paper kontra moratorium on land conversion.
Giit ni Pernia, lahat silang economic managers ng administrasyon, sina Finance Secretary Carlos Dominguez III, Budget Secretary Benjamin Diokno at maging si Vice President Leni Robredo ay laban sa balak na paglagda ni Duterte sa isang executive order na magpapatupad ng moratorium sa land conversion.
Tanging si Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano lang aniya sa buong gabinete ang nagsusulong ng moratorium on land conversion.
“We talked among ourselves, among economic managers. We didn’t want to spend the time looking for signatures. It’s enough that the economic ministers and the vice president. There’s no other cabinet members who are pushing, only the DAR,” sabi ni Pernia.
Noong nakaraang buwan, makaraan ang unang pulong ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC), sinabi ni Mariano, nakatakdang lagdaan ni Pangulong Duterte ang isang executive order na dalawang taon na pipigil sa conversion ng mga lupang sakahan para gawing subdibisyon at iba pang gamit na hindi pang-agrikultura.
Magiging daan aniya ito para mabigyan proteksiyon ang 4.7 milyong ektaryang lupang sakahan na naipamahagi na sa aabot na 2.7 milyon agrarian reform beneficiaries.
Paglilinaw ni Mariano, may umiiral na state policy upang maipreserba ang mga pangunahing lupang agrikultural para mapanatili ang food security.
Mahigpit aniya ang tagubilin ni Pangulong Duterte sa kanya na matiyak na maibibigay ang mga lupa para sa mga benepisyaryo ng Agrarian Reform Program law sa lalong madaling panahon.
Idinagdag ni Pernia, maging ang panukalang P125 across-the-board increase sa minimum wage na isinusulong ni Labor Undersecretary Joel Maglunsod ay tinabla rin ng economic managers ng gobyerno at maging ni Labor Secretary Silvestre Bello III.
“Wala ‘yun. That’s not going to pass because we already talked to Secretary Bello and he said, ‘Yeah.’ He already agreed with our position,” ani Pernia.
Ilang taon nang nakatengga sa Kongreso ang mga panukalang batas kaugnay sa P125 across-the-board wage hike na inihain ni Maglunsod nang siya’y kinatawan pa ng Anakpawis partylist.
Kontra sa panukala ang ilang business groups lalo na ang Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP).
Sina Mariano at Maglunsod ay parehong inirekomenda ng National Democratic Front (NDF) kay Pangulong Duterte na maging bahagi ng kanyang administrasyon bago nag-umpisa ang peace talks ng gobyerno at kilusang komunista.
Si Dominguez ay dating negosyante at kaibigan ni Pangulong Duterte habang sina Diokno at Pernia ay parehong economist.
( ROSE NOVENARIO )