ANG barangay Maharlika Village, sa siyudad ng Taguig, ang pinakamaraming namumugad na masasamang element kaya naman agad bumuo ng isang kasunduan ang PNP-NCR at ang Muslim Community para magsanib at magtulungang na masugpo ang iba’t ibang krimen sa siyudad ng Taguig.
Isang forum ang inilunsad kamakailan sa pagitan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), Southern Police District (SPD) at mga lider-Muslim kontra droga at terorismo sa lungsod ng Taguig.
Sinimulan ang programa para sa Philippine National Police (PNP) NCR Muslim Solidarity Forum na isinagawa sa Bonifacio Global City (BGC) sa naturang lungsod.
Ang nasabing programa ay pinangunahan nina SPD director Chief Supt. Tomas Apolinario; Taguig City Mayor Lani Cayetano at dinaluhan ng mga lider ng Muslim community sa pamumuno ng kanilang mga Imam.
Isang manipesto ang nilagdaan sa pagitan ng SPD, NCRPO at Muslim community upang mapagtagumpayan ang paglaban sa lahat ng uri ng kriminalidad.
Lalo ang mahigpit na kampanya kontra droga at terorismo, ilan sa mga pangunahing target na nireresolba ng kasalukuyang pamahaan.
Base sa record ng pulisya, ang Brgy. Maharlika Village, na matatagpuan sa naturang lungsod ang may pinakamalaking populasyon ng Muslim community sa buong Metro Manila.
Madalas na may nagaganap na insidente ng kriminalidad sa naturang barangay at pinaniniwalang pinamumugaran umano ng masasamang elemento.
Kaya’t hiningi ng pulisya at pamahalaang lungsod ng Taguig ang tulong ng mga lider ng Muslim community na makipagtulungan sa kanila para masolusyonan ang kriminalidad partikular sa droga at terorismo.
Dito ay sinabi ni Cayetano, pantay-pantay ang pagtingin ng pamahalaang lungsod sa Muslim community, kung kaya’t suklian din aniya ito ng pananatili ng kapayapaan.
IBA ANG BABAE KAPAG
NAMUNO SA ISANG LUGAR
Naging mas maayos ang kapaligiran pati na sa loob ng gusali ng Las Piñas City Hall sapol nang maupo ang kabiyak ng puso ni ex-Mayor Nene Vergel na si Mayora Imelda Aguilar.
Mistulang isang napakaayos na tahanan ang ikalawang palapag, bago ka pumasok sa mismong tanggapan ng Mayora, na dati-rati ay nakakalat ang mga empleyado.
Iba talaga kapag babae ang namuno sa isang siyudad sa lokal na pamahalaan, dahil sinisiguro na maayos ang kapaligiran, upang maging maayos din ang trabaho ng mga empleyado.
Ang siyudad ng Las Piñas ay maituturing na isang lugar na maganda ang samahan ng mga opisyal, ang Mayor at ang Sangguniang Panlungsod. Walang bangayan, lahat ay nagkakaisa. Walang awayang politika, lahat ay nagkakaisa. Bakit kaya sa lungsod ng Pasay, kahit magkakampi, mayroon pa rin inggitan?
ISUMBONG MO KAY DRAGON LADY – Amor Virata