IDINAWIT bilang ‘protektor’ ni convicted robber at murderer Herbert “Ampang” Colangco ang isang dating mambabatas at publisher ng isang tabloid; at ang kanyang bayaw na isang retired police general.
Isinalaysay sa pagdinig sa Kamara ni convicted kidnapper Jaybee Sebastian na noong 2013 ay itinalaga ng Bureau of Corrections si Colangco bilang overall spokesperson ng Maximum Security Compound sa (NBP).
Sa pagdinig tahasang tinukoy ni Sebastian, sina dating congressman Prospero “Butch” Pichay Jr. at police retired general Nicolas Pacinos Jr., na umano’y protektor ni Colangco.
Ani Sebastian, umapela siya kay noo’y NBP Officer-in-Charge Rafael Ragos para bawiin ang posisyon kay Colangco sa katuwirang hindi masyadong nakapag-aral.
Si Sebastian nang panahong iyon ay umaaktong kinatawan ng mga preso at siyang humaharap sa mga opisyal ng Department of Justice (DOJ) kabilang si noo’y Seretary Leila de Lima kapag bumibisita sa NBP.
“Nagbigay ng revocation order ang Bucor kay Ampang as overall spokesperson at naghati ang presidio at carcel. Doon na nagsimula ang alitan namin ni Ampang dahil iniisip niya na nilinlang ko siya,” ani Sebastian.
Pag-upo aniya ni Bucayu bilang director ng Bucor ay muling binuo ang council of elders at inihalal siya ng lahat ng commanders para maging chairman ng council of elders.
“Ngunit hindi pumayag si Colangco, gumamit sya ng koneksiyon, sina General Pasinos at Congressman Pichay at muli na namang nahati ang bilibid. Sa kanya ang carcel at sa akin ang presidio as overall chairman of council of elders at dito na nagsimula ang lahat ng kaguluhan sa paglaganap ng droga,” sabi ni Sebastian.
Si Pichay ay dating Surigao del Sur district representative, publisher ng isang tabloid at dating administrator ng Local Water Utilities Administration (LWUA), habang si Pacinos, ay asawa ng kapatid ng kongresista na si Merly.
Si Pichay ay akusado sa kasong graft dahil sa pagbili ng bankong palugi na mula sa pamilya ni Sen. Sherwin Gatchalian na Wellex Group gamit ang P800-M pondo ng LWUA.
Hindi idinetalye ni Sebastian sa Kongreso kung paano nagkaroon ng ugnayan sina Colangco, Pichay at Pacinos.
Ang Colangco Gang, ang robbery-holdup syndicate ni Ampang ay napaulat na konektado sa Kuratong Baleleng Gang.
Sa House probe ay inamin ni Sebastian na pareho sila ni Colangco na nag-ambag ng milyon-milyong piso sa campaign kitty ni De Lima mula illegal drugs trade sa NBP.
ni ROSE NOVENARIO