NABAHAG ang buntot ng Estados Unidos makaraan ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na puputulin niya ang ugnayan ng Filipinas sa Amerika dahil sa pakikialam sa kanyang drug war.
Mula sa pagbatikos ay todo-puri kahapon sina US President Barack Obama at Democrat Party presidential bet Hillary Clinton sa anila’y mahalagang papel ng mga Filipino at Filipino-Americans sa paghubog ng kasaysayan ng US.
Ang pagkilala sa importanteng ambag ng mga Filipino ay nakasaad sa mensahe nina Obama at Clinton sa Filipino American History Month ngayong Oktubre.
Ilang beses nang nagbabala ang US sa lumolobong bilang ng extrajudicial killings mula nang ilunsad ang drug war ng administrasyong Duterte.
Hindi nagustuhan ni Duterte ang aniya’y pakikialam ng US at kaipokritohan ng Amerika na napakasama ng human rights record sa buong mundo.
Ipinahiwatig kahapon ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, umuusad na ang legal na proseso para tuldukan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
“Regarding the EDCA needing a President’s signature, I just like to say that the President’s legal team is currently addressing the matter,” ani Abella.
Nauna nang sinabi ng Pangulong Duterte na palalayasin niya ang tropang Amerikano sa bansa dahil target silang biktimahin ng Abu Sayyaf Group (ASG).
Ayon sa Pangulo, ipatitigil na niya ang joint US-PH military exercises dahil walang pakinabang rito ang Filipinas.
Kapag ipinawalang-bisa ng Pangulo ang EDCA, hindi na puwedeng magdagdag ng tropang Kano sa bansa at hindi na ubrang gamitin nila ang mga base militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ang EDCA ay nilagdaan noong 2014 nina noo’y Defense Secretary Voltaire Gazmin at US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg.
Sa kanyang pagdalo sa ASEAN Summit kamakailan, ipinakita ni Duterte sa world leaders, kasama sina Obama at UN Secretary- General Ban Ki Moon, ang larawan ng Bud Dajo masscre noong Fil-Am war na nakatawa ang mga sundalong Kano sa harap ng mga pinaslang na mga Morong bata at kababaihan.
Ayon sa Pangulo, hindi humingi ng paumanhin ang US sa inutang na dugo sa Filipinas at may gana pang batikusin ang mga pinatay na kriminal ng mga awtoridad sa kanyang drug war. ( ROSE NOVENARIO )
I WILL BREAK-UP WITH AMERICA – DIGONG
INIHAYAG ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi niya matatanggap ang aniya’y pambabastos at pang-iinsulto sa kanya ng Estados Unidos kaugnay sa kanilang komento hinggil sa isyu ng human rights.
Kaya sa kanyang pagharap kamakalawa ng gabi sa Jewish community sa Filipinas, ipinahiwatig ni Pangulong Duterte ang kanyang balak na pakikipag-break-up o pakikipagkalas ng alyansa sa US.
Ayon kay Pangulong Duterte, mas gugustuhin niyang pumunta sa Russia at China na bagama’t hindi niya kasundo sa ideolohiya ngunit mas marespeto sa tao.
Iginiit ni Duterte, kunwari nababahala ang US sa situwasyon ng mga Filipino hinggil sa human rights, ngunit katunayan ay concern lamang sa pakiramdam ng European Union (EU), ni US President Barack Obama, ng human rights advocates.
Tahasan din niyang sinabihan si Obama na pumunta na sa impiyerno habang sa purgatoryo ang EU.
“I will be reconfiguring my foreign policy. Eventually, I might, in my time, I will break up wth America” ani Pangulong Duterte.