BIBIGYAN ng sariling kopya ng narco list ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Supreme Court kaugnay sa mga hukom na dawit sa illegal na droga.
Ayon sa Pangulo, bahala na ang Korte Suprema na gumawa ng kaukulang hakbang ukol sa ikatlong batch ng narco list.
“I think what I would just do is to send it to the Supreme Court or the judges and send it to the police ‘yung kanila,” ayon sa Pangulo.
Una rito, sinabi ng Pangulo, pasok sa ikatlong batch ng narco list si Agusan del Sur Judge Hector Salise.
Si Salise ay nasa kritikal na kalagayan makaraan tambangan ng hindi nakilalang suspek, may ilang linggo na ang nakararaan.
Ayon sa Pangulo, aabot sa 11,000 pulis ang pasok sa operasyon ng ilegal na droga. (ROSE NOVENARIO)
DRUG TRANSACTION
SA BILIBID PATULOY – DOJ
AMINADO si Department of Justice (DoJ) Sec. Vitaliano Aguirre, hanggang sa ngayon ay hindi pa rin 100 porsiyentong drug-free ang New Bilibid Prison (NBP).
Aniya, noong nakaraang linggo ay mayroon pa rin mga ebidensiya na may nangyayaring transaksiyon ng droga sa loob ng pambansang piitan.
Sa ngayon, sa pagtaya ng Justice Secretary ay naibaba na sa 90 porsiyento ang transaksiyon ng droga sa NBP.
Ngunit ipinagmalaki ni Aguirre, wala nang nakagagamit ng gadgets sa Building 14 ng maximum security compound ng NBP kasunod nang pag-install ng dalawang signal jammers.
Malakas aniya at epektibo ang inilagay na jammers dahil hindi na nakagagamit ang inmates ng cellphone na karaniwang ginagamit din para sa transaksiyon ng ilegal na droga.
Dahil dito, umaasa ang DoJ chief na pagdating nang panahon ay mawawala na nang tuluyan ang droga sa loob ng NBP.