HUWAG basta maniwala sa mga naglalabasang balita laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa “US-sponsored Western media” dahil ito’y tinutustusan ng drug money.
Ito ang paalala ng isang mataas na opisyal ng Palasyo na tumangging magpabanggit ng pangalan.
Aniya, ang black propaganda kontra administrasyon ay may bakas ng anino ng mga taksil sa bayan na tatadtarin si Duterte gaya nang ginawa kay Heneral Luna ng mga elitista noong giyera ng Filipino at Amerikano.
Giit niya, gaya ni Heneral Luna na niluto ng US at mga Pinoy na elitista sa pangunguna nina Emilio Aguinaldo at Felipe Buencamino ang pagpatay para mabuhusan ng malamig na tubig ang rebolusyong anti-US, pinagtutulungan din si Duterte nang sabwatang narco-politicians at Amerika para ibagsak o ipatumba dahil sa masidhi niyang adbokasiya na magpatupad ng independent foreign policy at masugpo ang illegal drugs at korupsiyon sa bansa.
Kamakalawa, isiniwalat ni Duterte na kinokombinsi siya ng China na lumipat na sa kanila nang pakikipag-alyansa makaraang pintasan ang Amerika, European Union at United Nations.
Anang Pangulo, sinusulsulan siya ng China na humiwalay na sa Amerika dahil walang mapapala ang Filipinas sa US.
Sinabi ng Pangulo na para pormal na maselyohan ang alyansa ng China at Filipinas, pupunta siya sa Beijing bago matapos ang 2016.
Pabiro pang sinabi ng Pangulo sa posibilidad na maging kabarkada niya si Chinese President Xi Jinping maging si Russian President Vladimir Putin.
Sinabi ni Pangulong Duterte, inakala niyang kaibigan ang Amerika hanggang simulan siyang batikusin nang kaliwa’t kanan.
Ayon kay Pangulong Duterte, tuwing iniinsulto siya ng Amerika, parang Filipinas na rin ang kinakastigo dahil siya ay halal na pangulo ng Republika.
Ngunit tiniyak ni Duterte na kahit kakalas ang US, hindi raw magugutom ang bansa.
“So when I was being attacked left and right… I thought that America was a friend. But without even really studying the matter, itong human rights ng Amerikano and even Obama at saka ang State Department started to — you know, small as I am, I am your President and I represent the Republic of the Philippines. ‘Wag naman sana sa pagkatao ko. But every time you insult the Philippines or you reprimand or castigate me in public, you are really crucifying the Filipino people,” ani Pangulong Duterte.
( ROSE NOVENARIO )