MAY plano ang Central Intelligence Agency (CIA) ng Amerika na ipatumba si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang isiniwalat ng Pangulo sa kanyang talumpati sa harap ng Filipino community sa Hanoi, Vietnam kamakalawa ng gabi.
Aniya, may nakarating na impormasyon sa kanya na ito ay dahil sa pagtanggi niya na maging lunsaran ng digmaan ng China at Amerika ang Filipinas bunsod nang maritime dispute sa South China Sea.
“Bakit mo gawing… parang warning death itong aking bayan? Iyan ang situwasyon. Sabi nila paplano-plano raw ang CIA na patayin ako. Susmaryosep, ginoo,” ayon sa Pangulo.
Giit ng Pangulo, guni-guni lang ang tunggalian ng Filipinas sa China, hindi makikipaggiyera ang Filipinas sa Beijing dahil sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na sakop ng 200-mile exclusive economic zone ang mga inaangking teritoryo ng China sa South China Sea.
Kahit aniya tulungan pa ang Filipinas ng US kontra China ay hindi kayang gapiin ang Beijing kaya mas nanaisin pa niyang makipag-usap kaysa isubo sa tiyak na kamatayan ang mga sundalong Filipino.
“Our conflict with China is not really — it’s more of an imaginary thing. Ibig kong sabihin, we cannot go to war just because there is that award,” ani Duterte.
“But hindi tayo puwede because there are only two: either we go to war or we talk. Hindi natin kaya ang China so sabi ko — even with the help of America. So we talk. Sabihin mo sa ‘kin. “O Duterte, bakit, you are abandoning now the award? You are now forgetting…” kuwento ng Pangulo.
May tamang panahon aniya para igiit ang desisyon ng PCA ngunit hindi pa ito ang oras para ilagay sa panganib ang buhay ng mga sundalo.
”There will always be a time to reckon the thing with. When that time comes, sabihin ko sa China, “Ito ‘yung amin. I will talk to you but I will not go out of the four corners of this paper.” Pero it is not the time to die. I am not ready to commit the soldiers of this country just to be massacred and besides—besides t******* ina, ang battleground, ang Palawan? Naloko na. E kung dalhin natin doon sa San Francisco okay ako. [laughter] Oo, ‘yung China, mamili kayo riyan,” aniya
Inianunsiyo ng Pangulo ang abiso sa US na ang nakatakdang joint US-PH military exercise sa Palawan sa susunod na buwan ang pinakahuli nang pagsasama ng tropang Amerikano at Filipino.
Ngunit pananatilhin pa rin niya ang military alliance sa Amerika bunsod nang umiiral na Mutual Defense Treaty na nilagdaan noong 1956.
“So I’m serving notice now to the Americans and to those who are allies: I will maintain the military alliance because there is an RP-US Pact which our countries signed in the early ‘50s. But I will establish new alliances for trade and commerce and you are scheduled to hold war games again, which China does not want,” anang Pangulo.
“I would serve notice to you now that this will be the last military exercise. Jointly, Philippines-US, the last one. Ayaw ko lang mapahiya si Defense Secretary ko,” diin ng Pangulo.
Hindi rin niya pahihintulutan ang paglahok ng Philippine Navy warship sa joint patrol sa South China kasama ang US.
“Then I will not join any patrol in the China Sea na ships belong—gray ships — gray ships ba ‘yung battle na ships — ang white is the Coast Guard. Ang war ship, they call it the gray ship. There will never be an occasion that I will send the gray ships there. Not because I am afraid, not because takot ako,” wika niya.
Kaugnay nito, inihayag ni National Democratic Front (NDF) consultant Alan Jasminez na tinalakay ni Pangulong Duterte ang planong wakasan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at US military domination sa Filipinas nang makasalo sa hapunan ng mga lider-komunista sa Palasyo noong nakalipas na Lunes.
“When we met with Pres. Duterte three days ago, he was talking about his position to end EDCA and the next step to end the US domination in the country. He was talking about military form of domination,” ani Jasminez sa FOCAP forum sa Maynila kahapon.
ni ROSE NOVENARIO