MAY punto si Pangulong Rodrigo Duterte nang palutangin ang idea na muling buhayin ang Philippine Constabulary (PC) na binuwag eksaktong isang siglo para isama sa dating Integrated National Police (INP) at maging Philippine National Police (PNP) noong Enero 29, 1991.
Sa panayam kay PDP Laban Policy Study Group Head Jose Antonio Goitia kamakailan, nilinaw niyang sa harap ng mas malaking panganib sa pambansang seguridad at kaligtasan ng publiko, nabuo sa isip ni Duterte ang muling pagbuhay sa nakamulatang PC dahil nananatiling nakaamba ang panganib ng terorismo sanhi ng lumalawak na impluwensiya ng mga grupong extremista sa buong daigdig.
Iginiit ni Goitia, chairman rin ng PDP Laban Membership Committee National Capital Region Council, na sasailalim ang PC sa pagsubaybay ng Department of National Defense (DND) na malayo sa kasalukuyang set up ng PNP na nasa superbisyon ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Kung gayon, mayroong pangnasyonal na nasasakupan ang PC na tutugon naman sa mga isyu ng pagkakahiwalay at mga butas sa chain of command hindi katulad ng PNP na nasa ilalim pa rin ng mga lokal na pamahalaan.
Idiniin ni Goitia na nangangailangan ang suliranin ng terorismo ng pangnasyonal na nasasakupan hinggil sa pagsasawata, pagkokontrol at gawaing intelihensiya at higit ding naaangkop ang DND, na may mas malawak na pananaw hinggil sa situwasyon ng pambansang seguridad, para hawakan ang mga ganitong uri ng isyu na hindi naman maaaring ipagkatiwala lamang sa mga lokal na pamahalaan.
Pagliilinaw ni Goitia: “Bukod pa sa isyu ng terorismo, ikinokonsidera rin ang isa pang suliranin tungkol sa mga aktibidades ng mga kriminal na lumalaki pang lalo sa daigdig at ibang panig ng mundo. Naimpluwensiyahan din ang mga kriminalidad gaya ng terorsimo, cybercrime, transnational crimes kagaya ng drug at human trafficking dahil na rin sa pag-unlad ng teknolohiya at globalisasyon. Nasasakal ang lokal na pulisya, na may limitadong mandato at hurisdiksiyon, na maisagawa ang kanilang pagpapatupad ng tungkulin upang masolusyonan ang mga ganitong uri ng malalaki at masalimuot na kriminalidad. Malimit namang binubuo ang mga pansamantala lamang na multi-agency task forces upang matugunan ang limitasyon ng pulisya. Gayunman, panandalian lamang solusyon ang mga ito sa walang tigil na lumalaking problema.”
Para kay Goitia, magdudulot din ang pagbuhay sa PC ng pagpapairal ng disiplina sa lahat ng operatiba ng pulisya. Naaangkop ito sa pakikipaghamok ni Duterte kontra sa ilegal na droga at kriminalidad. Tinukoy ng Pangulo ang mga opisyal ng pulis gayundin ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan na sangkot sa ilegal na kalakalan ng droga. Nangangahulugang madalas na may sabwatan bilang protektor o pangunahing tagapagpakalat ng droga sa mga lokal na komunidad. Naganap ang ganitong sistema dahil na rin sa kasalukuyang estruktura na nasa poder ng lokal na pamahalaan ang pulisya.
Paglilinaw ni Goitia na kasalukuyang presidente ng PDP San Juan City Council: “Kagaya rin ng mga naunang panukala ng administrasyong Duterte, binatikos agad ito ng mga kritiko at sinabing mabubuhay na naman ang batas militar dahil may bahid ng martial law ang PC. Gayunman, nalimutan nila na hindi si Marcos ang lumikha ng PC upang manatili siya sa kapangyarihan. Itinatag ito ng American colonial government bilang insular police bago pa man ideklara ni Marcos ang martial law o bago siya naging pangulo. Simula nang malikha ito noon pang 1901 hanggang maluklok si Marcos, epektibong naisasakatuparan ng PC ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa buong kapuluan. Nagsilbi lamang itong gamit upang masawata ang anumang pagkontra ng taumbayan dahil sinamantala ni Marcos ang kapangyarihan ng PC para maitayo ang kanyang diktadurya, na kagaya rin ng ginawa niya noon sa iba pang mga ahensiya ng pamahalaan. Hindi ang institusyon ang pinagmulan ng katiwalian kung hindi ang mismong mga taong naluklok dito.”
Iginiit ni Goitia na maaaring konsiderahin ang pagbuhay muli ng PC habang nagsasagawa ang Kongreso ng mga pag-aaral upang masusugan ang Konstitusyon para sa pagpalit nito sa federal na sistema ng pamahalaan.
Dagdag ni Goitia: “Isa na rin sa mga pinagdedebatehan sa isyu ng federalism ang delegasyon ng lahat ng gawaing pulisya at pagpapatupad nito sa mga federal units. Dulot na rin ng mga kakaibang atensiyong natatamo nito sa situwasyon ngayon ng Filipinas, ikinokonsidera ng mga mambabatas na ibalik na lamang ang PC. Kung gayon, ito ang magsisilbing natatanging tampok sa ipinanunukalang federal na anyo ng pamahalaan. Habang inihahatag ng pamahalaang sentral ang kapangyarihan nito sa mga federal unit sa hinaharap, magkakaroon ng malawak na pananaw ang PC bilang national enforcement agency na magpapatupad ng pambansang seguridad at higit pang makatutugon sa seguridad ng publiko.”
ABOT-SIPAT – Ariel Dim Borlongan