DUDA si Pangulong Rodrigo Duterte sa kabiguan ng China na awatin ang pagpapalaganap ng kanilang mga mamamayan ng shabu sa Filipinas.
Sa kanyang talumpati nang inspeksyonin ang abandonadong shabu laboratory sa Lacquios, Arayat, Pampanga kahapon, inihayag ng Pangulo na lahat ng kagamitan sa pagluluto ng illegal drugs ay gawa sa China.
Maging ang nagluluto ng shabu ay mga Chinese kaya’t labis ang pagtataka ng Pangulo kung bakit hindi makontrol ng Beijing ang kanilang mga mamamayan na sangkot sa illegal drugs trade.
“Now we are dealing with China, I will bring this to their attention. I am leaving for Vietnam then maybe to China. Lahat ng materials galing sa China, we want them also to control their people. And increase their focus on criminals. Kaibigan man kaya tayo, e, bakit ganoon? If you consider us your friend, you want to help us, but most of the materials, lahat, the machines and the broilers are from China. What does that mean?” ayon sa Pangulo.
Nangako ang China na tutulong sa administrasyong Duterte sa pagtatayo ng drug rehabilitation centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Noong nakalipas na Hulyo, sinabi ng Pangulo na nais niyang komprontahin ang Chinese government hinggil sa pamumuno ng mga Intsik sa drug cartels sa bansa.
“One day, I will ask China: Why is the situation like this? I won’t say why are you sending them, but why is it that most of the guys who come here do drugs, even inside jail?” anang Pangulo.
Matatandaan, noong 18th hanggang 19th century ay nagkaroon ng henerasyon ng drug addicts ang China dahil opium ang ipinambabayad ng Britanya kapalit ng Chinese tea, silk at porcelain.
Naging magulo at malimit ang sagupaan ng Qing Dynasty sa mga mangangalakal na Briton na nagresulta sa Opium War.
Dahil talamak ang korupsiyon at sangkaterba ang drug addict sa China ay natalo ng Britanya kaya nasakop ang Hong Kong at pantalan sa Canton at Shanghai.
Sinabi ng isang intelligence officer ng administrasyon na tumangging magpabanggit ng pangalan, natuto ang China sa aral ng Opium War kaya ang taktikang pagpapalaganap ng illegal drugs sa bansang nais sakupin, gaya ng Filipinas, ang ginagawa ng Beijing.
Habang humahakot ng kita aniya ang mga Intsik sa pagbebenta ng shabu sa bansa sa pakikipagsabwatan sa ilang tiwaling opisyal ng gobyerno ay abala rin ang China sa pangangamkam ng mga teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Walang kakayahan ang Filipinas na tapatan ang malakas na puwersang militar ng China kaya napipilitan aniya ang administrasyong Duterte na makipag-usap sa Beijing sa kabila nang desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na sakop ng 200-mile exclusive economic zone ng bansa ang mga inaangking teritoryo ng China sa WPS.
ni ROSE NOVENARIO