BUBUKSAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pakikipag-alyansa sa China at Russia.
Sinabi ng Pangulo, nakatakda siyang tumulak sa China para makipag-usap kay President Xi Jinping para lalong palakasin ang trade and commerce o ang kalakalan ng dalawang bansa.
Nilinaw ng Pangulo, hindi papasok ang Filipinas sa military alliance sa China.
Hindi nababahala ang Pangulo kung gigiyerahin ng Amerika ang Filipinas dahil sa gagawing hakbang.
Giit ng Pangulo, wala siyang balak na lumahok sa giyera ng China at Amerika dahil tiyak na magagamit lamang ang Filipinas.
Nais aniyang gamiting lunsaran ng digmaan ang Palawan, Scarbourgh Shoal sa Zambales at Pangasinan na nasa West Philippine Sea.
Hindi aniya uubra ang Filipinas sa lakas ng mga armas pandigma ng China, sa katunayan pitong minuto lamang ay maaari nang marating ng Chinese warplane ang Metro Manila mula Pangasinan.
Hindi na aniya umaasa ang Pangulo na makatutulong ang Amerika sakaling masadlak sa giyera ang bansa laban sa ano mang bansa.
Tama na aniya na mayroong treaty o kasunduan sa pagitan ng Filipinas at US na kapag inatake ang bansa ay parang pag-atake na rin ito sa kaalyadong bansa ng Amerika.
Ngunit batay sa Saligang Batas ng Amerika, hindi basta makapagdedeklara ang US President ng digmaan dahil kailangan pa niyang makuha ang desisyon ng kanilang Kongreso.
Kaya sakali aniyang hindi pumayag ang Kongreso ng Amerika ay walang mangyayari sa Filipinas.
( ROSE NOVENARIO )
PH sa int’l community
DRUG WAR HUWAG PAKIALAMAN
NANAWAGAN si Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay Jr., sa international community na huwag pakialaman ang kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kriminalidad at ilegal na droga.
Sinabi ni Yasay sa United Nations (UN) General Assembly sa New York, desedido ang administrasyong Duterte na wakasan ang mga ilegal na gawain sa bansa kabilang na ang pagtutulak ng droga.
Dapat din aniyang hayaan ng UN ang pamahalaan na resolbahin ang problema sa bansa na walang ibang nasyon ang nakikialam.
Ngunit sa kabila nito, siniguro ni Yasay na susunod sa “rule of law” ang pamahalaan sa pagpapatupad sa kampanya laban sa ilegal na droga.
“We have not and will never empower our law enforcement agents to shoot to kill any individual suspected of drug crimes. And yet, under our established rules of engagement, our police have the right to defend themselves when their lives are threatened. Extrajudicial killings have no place in our society and in our criminal justice system,” ani Yasay.
Magugunitang binatikos ng international community kabilang na ang UN, ang nangyayaring patayan sa bansa na kinasasangkutan ng drug pushers at users, na labis na ikinagalit ng Pangulo.
DUTERTE WALA PANG ORDER
SA UN PROBE INVITE — DFA
WALA pang natatanggap na liham ang Department of Foreign Affairs (DFA) mula kay Pangulong Rodrigo Duterte para pormal na maimbitahan ang mga rapporteur o kinatawan ng United Nations (UN) na nagnanais mag-imbestiga sa sinasabing nagaganap na extrajudicial killings sa bansa.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Foreign Affairs spokesman Charles Jose, kaklaruhin muna nila sa Pangulong Duterte kung ang Palasyo o ang DFA na ang magpapadala ng imbitasyon.
Ngunit base aniya sa mga pronouncement ng Pangulo, sinabi ni Asec. Jose, partikular na inatasan ng Chief Executive si Executive Secretary Salvador Medialdea na gumawa ng liham.
Sakaling mayroon nang imbitasyon, magkakaroon pa ng konsultasyon ang Filipinas at UN rapporteur.
Paliwanag ni Asec. Jose, kailangan munang mailatag ang terms of reference (TOR) o mga panuntunan kung paano ang gagawing imbestigasyon ng human rights group.