BINATIKOS ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggamit ng Simbahang Katolika sa moralidad para hindi na maibalik ang death penalty sa bansa.
Aniya, kaya gusto niyang ibalik ang parusang bitay dahil ang mga Filipino ay hindi na naniniwala sa batas at wala nang kinatatakutan.
Sa kanyang talumpati sa oath-taking ng mga bagong opisyal ng Malacañang Press Corps (MPC), Malacañang Cameramen Association (MCA) at Presidential Photojournalists Association (PPA) kahapon sa Palasyo, kinuwestiyon ng Pangulo ang ipinangalandakan ng Simbahan na tanging ang Diyos lang ang may karapatan na tapusin ang buhay ng isang nilalang.
Giit niya, bagama’t naniniwala siya sa Diyos, ang malaking katanungan lang sa kanya ay bakit pinayagan na maganap ang mga karumal-dumal na krimen sa mundo.
“We’re always taught na ganoon ang buhay, that everything begins and ends with God. So therefore God, he knew at that time when he created this planet that these things will happen. So my God, why did you do it?” aniya.
Aniya, nasaan ang Diyos nang gahasain at patayin ang isang 18-buwan gulang sanggol at nang pinagpapatay ng mga teroristang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang mga bata at kababaihan nang tumangging makipagtalik sa kanila?
“When a one-year old, 18-months year old baby taken from the mother’s arms brought under a jeep and raped and killed, so where is God? And in Syria, women, women, and children and women who do not want to have sex, sex with the ISIS, they’re murdered. So where is God? My God, where are you?” dagdag niya.
Ayon sa Pangulo, balewala ang paniniwala na ang Diyos ay bababa sa lupa sa araw nang paghuhukom, wala na itong saysay sa labis na pighati, sakit ng loob at paghihirap na dinanas ng Kanyang mga nilalang.
“I believe in God but that is my perpetual question to him. Where were you when we needed you? Is not enough to say at the end of the day, at the end of the world, he shall come to judge the living and the dead? What would be the purpose of all of that if the heartaches, sorrows, and agony have already been inflicted upon the human beings in this world? Iyan ang mahirap e,” dagdag niya.
Matatandaan, paulit-ulit na sinasabi ng Pangulo na siya’y naniniwala na ang lahat ng kasalanan ay dapat pagbayaran, kung buhay ang inutang, buhay rin ang kabayaran.
( ROSE NOVENARIO )