MULING tiniyak ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, magiging malakas at ‘airtight’ ang kasong isasampa laban kay Sen. Leila de Lima.
Sinabi ni Aguirre, ito ang dahilan kaya wala pa silang pormal na reklamong inihahain sa korte laban sa senadora kaugnay sa sinasabing pakikinabang sa illegal drugs operations sa New Bilibid Prisons (NBP).
Ayon kay Aguirre, marami pang kailangangn buisisiin kahit nakapagbigay na ng testimonya ang ilang high-profile inmates laban kay De Lima.
Bukod sa naunang report na isinumite ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay sa bank accounts na sinasabing may kinalaman sa drug transactions, balak din ng DoJ sa pamamagitan ng NBI, na silipin ang bank accounts ng stockholders at incorporators ng private corporations na maaaring nagamit o nakinabang sa NBP drug trade.
Kung kinakailangan aniyang hilingin sa Court of Appeals (CA) na maglabas ng freeze order laban sa hinahabol na bank accounts, gagawin ito ni Sec. Aguirre.
Una nang itinanggi ni De Lima ang mga paratang sa kanya at naninindigang gawa-gawa, imbento at pinuwersa ang mga ebidensiya laban sa kanya.
ni ROSE NOVENARIO