MULA umpisa hanggang wakas ay isisiwalat ni Marine Col. Ferdinand Marcelino ang buong istorya kung paano sumawsaw sa illegal drugs trade sa New Bilibid Prisons (NBP) si Sen. Leila de Lima.
Sinabi sa Hataw ng isang abogado sa gobyernong Duterte na tumangging magpabanggit ng pangalan, si Marcelino ang maglilinaw sa mga testimonya ng mga saksi na humarap sa Kongreso hinggil sa partisipasyon ni De Lima sa bentahan ng droga sa NBP.
Maaaring bigyan ng “immunity” si Marcelino sa mga ibubunyag niya sa nakatakdang pagharap sa House Committee on Justice, gaya nang ipinagkaloob sa mga naunang testigo.
Si Marcelino aniya ang nagsilbing impormante ni De Lima sa illegal drugs trade sa NBP bago siya nasakote sa isang shabu laboratory sa Sta. Cruz, Manila.
Sa katunayan aniya, mismong si De Lima ay inamin sa isang panayam sa Headstart sa ANC noong nakalipas na Pebrero, na ang malalaking anti-drug raids ng Department of Justice (DoJ) at National Bureau of Investigation (NBI) ay resulta ng “intelligence materials” na ibinigay ni Marcelino.
“He shared with us material intelligence information. Ang pagkakakilala ko sa kanya is he is a very passionate, staunch anti-drug crusader that’s why I am very surprised with what has happened,” ani De Lima sa ANC.
“Insofar as what my personal knowledge, like what he did and his contributions, especially on those two major operations (Bilibid and Camiling raids) though the NBI said he also contributed in several other small operations. Remember even former ISAFP chief, General Eduardo Año has also vouched for his integrity,” dagdag ni De Lima sa ANC.
Si Marcelino ay naging commander ng Military Intelligence Group (MIG) 4 , at hepe ng Special Enforcement Service ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Nabatid na dinalaw ni De Lima si Marcelino nang nakulong sa kasong may kinalaman sa shabu laboratory sa Sta. Cruz, Maynila.
Ikinatuwiran ni Marcelino, lehitimong operation ito kaya naibasura ang kaso laban sa kanya ngunit noong nakaraang linggo ay binuhay ng Department of Justice (DoJ).
Nauna nang ibinulgar ni Marcelino na may lihim na galit sa kanya si dating PDEA Director Chief Arturo Cacdac dahil sa pagiging instrumento niya sa pagsalakay sa isang malaking shabu laboratory sa Camiling, Tarlac.
Private bank accounts sisilipin ng DoJ (Nagamit sa NBP drug trade?)
MULING tiniyak ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, magiging malakas at ‘airtight’ ang kasong isasampa laban kay Sen. Leila de Lima.
Sinabi ni Aguirre, ito ang dahilan kaya wala pa silang pormal na reklamong inihahain sa korte laban sa senadora kaugnay sa sinasabing pakikinabang sa illegal drugs operations sa New Bilibid Prisons (NBP).
Ayon kay Aguirre, marami pang kailangangn buisisiin kahit nakapagbigay na ng testimonya ang ilang high-profile inmates laban kay De Lima.
Bukod sa naunang report na isinumite ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay sa bank accounts na sinasabing may kinalaman sa drug transactions, balak din ng DoJ sa pamamagitan ng NBI, na silipin ang bank accounts ng stockholders at incorporators ng private corporations na maaaring nagamit o nakinabang sa NBP drug trade.
Kung kinakailangan aniyang hilingin sa Court of Appeals (CA) na maglabas ng freeze order laban sa hinahabol na bank accounts, gagawin ito ni Sec. Aguirre.
Una nang itinanggi ni De Lima ang mga paratang sa kanya at naninindigang gawa-gawa, imbento at pinuwersa ang mga ebidensiya laban sa kanya.
ni ROSE NOVENARIO