ITULOY ang drug war kasi kawawa ang susunod na henerasyon.
Ito ang mensahe ng isang pulis na nasugatan sa anti-illegal drugs operation, kay Pangulong Rodrigo Duterte nang bisitahin siya sa University Medical Center sa Cagayan de Oro City.
Kinumusta ni Pangulong Duterte sa pagamutan si SPO1 Ronald Eugenio na magda-dalawang buwan nang nakaratay mula nang masugatan nang mauwi sa barilan ang isinagawang surveillance operations laban sa isang drug suspect noong Agosto 16.
Dahil hindi na siya makapagsalita , isinulat ni Eugenio ang kanyang memsahe sa Pangulo sa isang magic slate na karaniwang ginagamit ng mga batang nagsisimulang mag-aral magsulat.
“Yung droga kasi kawawa ang next generation,” mensaheng isinulat ni Eugenio at binasa ng Pangulo.
Bukod sa pagtiyak na maturuan ng sign languange ang sugatang pulis, sinabi ng Pangulo, tuloy pa rin ang kanyang serbisyo sa pulisya ngunit sa opisina na lang siya magtatrabaho.
Ibinigay ng Pangulo ang pinansiyal na tulong kay Eugenio na nagkakahalaga ng P250,000 kasabay nang pagtiyak na wala na siyang poproblemahin sa hospital bill na umaabot na nang higit P2.1 milyon.
( ROSE NOVENARIO )