NANAWAGAN si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga tagasuporta na huwag pagbantaan ang mga mamamahayag sa ngalan nang pag-ayuda sa kanyang gobyerno.
Sa kanyang talumpati sa Cagayan de Oro City kahapon, sinabi ni Duterte, bagama’t nagpapasalamat siya sa kanyang supporters, hinimok niya silang huwag takutin ang mga taga-media dahil hindi na makapagsusulat nang totoo ang mga mamamahayag.
“Itong mga international writers, every network meron iyan silang correspondents, everyone. Not necessarily a foreigner but a resident correspondent. And they are not the subject, I was told, of several threats. I appreciate very much your support and may be your—how would I say it — enthusiasm to back me up. You are correct, I am doing nothing wrong but of course we should also not threaten people kasi hindi na sila makapagsulat nang totoo,” ani Duterte.
Kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang social media attacks laban kina freelance journalist Gretchen Malalad at Al Jazeera correspondent Jamela Alindogan-Caudron dahil sa sinasabing pakikipagsabwatan sa Time magazine sa report hinggil sa extrajudicial killings sa kasalukuyang administras-yon.
Hiniling ng NUJP kay Communications Secretary Martin Andanar na imbestigahan ang anila’y “open threats” laban kina Malalad at Caudron upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
“For the supporters po ng ating Pangulo, ay maging responsable ho tayo sa ating mga tini-text. Hindi ho maganda iyong we are threatening our own ‘no. Siyempre, Senador po natin si Senador De Lima, she is an elected official of the land,” pahayag ni Andanar.
Hiniling ni Andanar sa media na nakararanas ng cyber harassment, na iulat sa awtoridad at pinayuhan din niya ang mga mamamahayag na iwasan na pagbantaan ang kabaro.
“At ganoon din po ang ating mensahe sa mediamen na hina-harass sa social media space. I understand that the—and we all know that social media is a free space and we can say whatever we want to say. Pero siguro ang pakiusap po natin ay huwag ho tayong magkasakitan ng mga pino-post natin sa social media, at lalong-lalo na ho ay iwasan ho natin na i-threaten iyong ating mga kasamahan sa media. It’s just basic thing, you know. You don’t want something—do unto others what you want others to do unto you,” sabi niya.
( ROSE NOVENARIO )