INIIMBESTIGAHAN ng Presidential Security Group (PSG) ang isang miyembro na dating security aide ni Sen. Leila De Lima na ikinanta ni convicted robber Herbert Colangco na nagsilbing bagman ng senadora noong justice secretary pa siya.
Sinabi ni PSG Commander B/Gen. Rolando Bautista, iniutos niya ang pagsisiyasat kay Philippine Air Force (PAF) Sgt. Jonel Sanchez, miyembro ng PSG, dating security aide ni De Lima.
Si Sanchez ay ibinuko ni Colangco bilang tagakuha ng drug money para kay De Lima mula sa kanya.
“He is now undergoing investigation,” ani Bautista.
Nagsilbing security aide ni De Lima si Sanchez sa loob ng halos limang taon nang ang mambabatas ay justice secretary sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Nabatid ng Hataw, dalawang taon pa lang si Sanchez kay De Lima ay nakapagpatayo na ng bahay at nakabili na ng kotse.
Ang misis ni Sanchez ay miyembro rin ng PSG.
Bago nagsimula ang pagdinig sa Kongreso, inilagay na ang PSG sa kustodiya mula sa huling assignment niya bilang security aide ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
Sa pagdinig ng Kongreso hinggil sa pagkalat ng illegal drugs sa New Bilibid Prisons (NBP), ibinunyag ni Colangco, inutusan siya ni Sanchez na mangolekta ng 30 hanggang 50 kilo ng shabu mula sa bigtime Chinese drug lords sa NBP.
Ang drug money aniya ay ginamit bilang campaign funds ni De Lima noong 2016 elections.
Sa pamamagitan aniya ni Sanchez ay tumanggap ng isang milyong piso si De Lina kada buwan mula Oktubre 2013, kasama na ang kickbacks sa benta ng beer sa mga konsiyerto niya sa loob ng NBP.
Ang isang case ng beer ay ibinebenta ng P10,000 sa loob ng NBP ngunit sa labas ay P700 lang.
Madalas din aniyang nanghihingi ng dagdag na pera sa kanya si Sanchez at maging kay Jaybee Sebastian, ang kidnap-for-ransom convict na utak ng koleksiyon ni De Lima sa NBP.
( ROSE NOVENARIO )