PINAIIMBESTIGAHAN ng New York Times ang napaulat na ‘koryenteng istorya’ sa kanilang kompanya nang ilabas ang ‘exclusive scripted video’ ni Edgar Matobato kamakailan.
Nabatid sa source ng Hataw, isang may inisyal na RP ang pinapunta umano ng NY Times sa Filipinas para siyasatin ang napaulat na nagamit ang kanilang news agency para pagkakitaan ng ‘narco-media’ sa bansa.
Kabilang sa nais alamin ng NY Times, ang ulat na tumanggap ng drug money ang isang photographer kapalit nang pagpapadala sa kanila ng ‘exclusive scripted video’ ni Matobato na inilabas nila nitong Setyembre 16, 2016.
Isang ex-Palace reporter ang kumontak kay alyas RP para isumite ang exclusive scripted video ni Matobato sa NY Times.
Gaya ng kanyang pahayag sa pagdinig sa Senate Committee on Justice ay inilahad ni Matobato sa exclusive video ang kanyang partisipasyon sa pagpatay sa 1,000 katao bilang paramilitary at kasapi ng Davao Death Squad sa utos umano ni Pangulong Rodrigo Duterte noong alkalde pa sa Davao City.
“Walang kamalay-malay ang NY Times na kasama na pala sila sa mga ‘inayos’ na international media para siraan si Duterte at ibangon ang bulok na imahe ng lady solon na sabit sa illegal drugs,” anang source.
Isang Father Pon ang umano’y custodian ni Matobato pero walang impormasyon ang source kung batid ng pari na drug money ang ginugugol para sa publisidad ng ex-paramilitary sa international media.
Giit ng source, malaki ang posibilidad na may mga kontak na media sa Malacañang ang ex-Palace reporter na ang trabaho nama’y tumutok sa reaksiyon ng mga opisyal ng administrasyong Duterte sa mga isyu laban sa lady narco-solon.
ni ROSE NOVENARIO