KINOMPIRMA ng Palasyo na sa US iniluluto ang destabilisasyon para patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte sa poder sa Enero 17 at pinangungunahan ito ng ilang Filipino-American.
Sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar kahapon, ang impormasyon sa gumugulong na Oust Duterte Movement sa US ay ipinaabot sa kanya ng isang miyembro ng gabinete na nasa New York ngunit hindi niya tinukoy.
Dalawang miyembro ng gabinete ang kasalukuyang nasa New York, sina Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay at Presidential Spokesman Ernesto Abella.
“I was just talking to somebody sa New York ngayon who is also a member of the Cabinet – hindi ko na lang babanggitin iyong pangalan. Iyon din ang mga naririnig niya sa New York, na mayroong mga Filipino-Americans na nagpaplano. They are hatching a plan to oust the President by January 2017 pa, may mga ganitong klaseng report,” ani Andanar.
Naniniwala si Andanar na malabong magtagumpay ang ano mang kilusan na magpapatalsik sa Pangulo dahil ang kanyang approval rating sa sambayanang Filipino ay 91 porsiyento.
Ngunit sa kabila nang tinatamasang popularidad ni Pangulong Duterte ay nanawagan pa rin si Andanar sa publiko na iulat sa Malacañang ang ano mang impormasyon hinggil sa destabilisasyon.
Umiiral aniya ang demokrasya sa bansa kaya hindi makatuwiran na pabagsakin ang Pangulo na iniluklok sa Palasyo sa pamamagitan ng halalan.
“Kung mayroon talaga, you let me know kung mayroon talaga, kasi it is the concern for the government, and it should be a concern for the nation because it’s a destabilization talk. Hindi naman tama iyan, ‘di ba? Because we are in a democracy at iniluklok natin ang ating Pangulo sa pamamagitan ng isang eleksiyon,” aniya.
Aminado si Andanar, hindi nakatutulong sa imahe ng bansa ang balitang destab na ang puno’t dulo ay agrabyado sa media exposure ang administrasyong Duterte lalo na’t mainit sa ating bansa ngayon ang western world, lalo ang Amerika.
“But then again, if you have all of this news going around internationally, it does not help. Kasi alam naman natin na mainit ang mga banta doon sa banta sa Amerika – in the western world ‘no, mainit sa ating bansa ngayon. At medyo agrabyado tayo pagdating sa media exposure,” dagdag niya.
Puspusan aniya ang pagsusumikap ng kanyang tanggapan, sa tulong ng media, para maiparating sa mga kababayan natin sa ibang bansa ang tunay na nangyayari sa Filipinas.
“We begin at the home front, Henry. Dito sa bansa natin we consolidate our friends in the media. Well not only consolidate but we streamline our communications process para hindi tayo magkaproblema sa media dito sa bansa natin. And then we spread out, and then we start with our OFWs, iyong ating mga social media supporters ‘no. We go to our neighboring countries and talk to the media there, and until such time that our message can reach the shores of the western world,” sabi ni Andanar.
Nauna nang tinukoy ng Pangulo na mga tagasuporta ng mga dilawan ang kumikilos para matanggal siya sa puwesto ngunit hindi aniya matitinag ang kanyang determinasyon na ipatupad ang pagbabago sa bansa.
Matatandaan, unang sumabak sa destabilization plot ang mga Filipino na nakabase sa Amerika nang tinangkang patalsikin si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2006 na mas kilala bilang Oplan Hackle.
Hindi nagtagumpay ang Oplan Hackle at nahatulan na mabilanggo sina dating police Col. Michael Ray Aquino at Fil-Am Federal Bureau of Investigation (FBI) analyst Leandro Aragoncillo sa kasong espionage dahil sa pagnanakaw ng classified information sa FBI at ipinasa sa mga politiko sa Filipinas na kontra kay Arroyo.
Batay sa Oplan Hackle, patatalsikin si Arroyo ng isang civilian-military uprising at ipapalit bilang pangulo si Sen. Panfilo Lacson na pumangatlo noong 2004 presidential elections.
Nandaya anila si Arroyo noong 2004 presidential elections at ang tunay na nagwagi ang action king na si Fernando Poe Jr., ngunit dahil pumanaw na ay si Lacson na ang dapat umupong Pangulo ng bansa.
( ROSE NOVENARIO )