GOBYERNO kontra sa gobyerno ang labanan sa ilegal na droga kaya kailangang palawigin pa ng anim na buwan ang drug war ng administrasyong Duterte.
Sa kanyang talumpati kamakalawa ng gabi sa Davao City, inihayag ng Pangulo na masyadong malala ang drug problem sa bansa kanya hindi kayang supilin ito sa unang anim buwan niya sa Palasyo gaya ng kanyang naipangako.
Ang illegal drugs operations ay pinatatakbo aniya ng mismong mga taong gobyerno kabilang ang mga inihalal sa posisyon.
“What makes it worse is that they are operated now by people in government especially those elected positions. So it will be government versus government,” aniya.
Giit niya, ang ibang barangay chairman ay hindi lang makikitang nagsusukbit ng baril kundi may mga body guard pang nakapaligid sa kanila na napag- alamang mga pulis pa.
Dahil dito, mahigpit niyang ipagbabawal sa mga pulis ang magsilbing bodyguard ng mga barangay chairman.
Naniniwala si Communications Secretary Martin Andanar, naging makatotohanan lang si Pangulong Duterte sa pagpapalawig ng anim na buwan sa self-imposed deadline niyang unang anim na buwan ng administrasyon na supilin ang operasyon ng illegal drugs.
Hindi aniya akalain ng Pangulo na ganito kalala ang problema sa illegal drugs na puwede nang itala sa Guinness Book of World Records na mahigit 700,000 ang sumuko sa awtoridad na drug addicts gayong wala pang 90 araw ang administrasyong Duterte.
“As a matter of fact, itong 700,000 plus ay puwedeng pumasa sa Guinness Book of World Records, at iyong kampanya ay puspusan talaga. In fact, sa sobrang dami ay kailangan natin iyong tulong ng Armed Forces of the Philippines, hindi lang ng Philippine National Police. So, sana intindihan po natin ang ating Pangulo kapag humingi siya ng additional na anim na buwan kasi nakita naman natin iyong resulta in the first how many days ‘no. Wala pa nga tayong 90 days at ganoon na kadami. So kung 90 days e nasa 700,000, what more kapag 120 days ‘no, what more kapag six months, what more kapag one year,” ani Andanar.
( ROSE NOVENARIO )