NAUNSIYAMI ang presentasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte ng pinalayang Norwegian hostage na halos isang taon bihag ng teroristang Abu Sayyaf Group.
Sinabi ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza, nakansela ang pagharap kay Duterte ni Norwegian national Kjartan Sekkingstad sa Davao City dahil masama ang panahon sa Sulu.
Si Sekkingstad ay pinalaya ng ASG kahapon dakong 4:00 pm sa Sulu sa pamamagitan ni Moro National Liberation Front commander Tahil Sali.
Kinidnap si Sekingstad ng ASG kasama sina Canadian nationals Robert Hall at John Ridsdel, at Filipina na si Marites Flor, sa Samal Island noong Setyembre 21, 2015.
Pinugutan ng ASG ang dalawang Canadian habang si Flor ay pinalaya noong Hunyo 24.
Kamakailan, tinukoy ni Pangulong Duterte na si MNLF founding chairman Nur Misuari ang nasa likod ng ASG.
Sa kanyang talumpati sa anibersaryo ng Philippine Air Force, ibinuko ni Pangulong Duterte ang direktang koneksiyon ni Misuari sa ASG.
“Si Nur naman could not make up his mind but I hope someday he would decide because ‘yang Abu Sayyaf is out of his control. I’m sorry to say it in public,” ayon sa Pangulo.
( ROSE NOVENARIO )