TINUKOY ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang alkalde at isang barangay captain bilang mga high value target (HVT) sa drug war ng kanyang administrasyon.
Sinabi ni Pangulong Duterte na sina Naguilian, La Union Mayor Reynaldo Flores at Boni Sultan, barangay captain sa Barangay Lumatil, Maasin, Saranggani Province ay positibong sangkot sa operasyon ng illegal drugs, batay sa pagsisiyasat ng mga awtoridad.
Sa US military terminology, ang HVT ay itinakda ng isang enemy commander bilang requirement para makompleto ang isang misyon.
Mistulang shoot-to-kill order ito sa mga sundalo, hulihin nang buhay hangga’t maaari ngunit kapag hindi kaya ay paputukan.
Karaniwang ginamit ang HVT sa operasyon para sa neutralisasyon ng US troops kay Osama bin Laden at iba pang matataas na opisyal ng international terror group na Al Qaeda.
Isiniwalat ni Pangulong Duterte, ang pangalan nang tinagurian niyang narco-general na si ret. police general at ngayo’y Daanbantayan, Cebu Mayor Vicente Loot, ay lumabas bilang sabit sa illegal drugs sa tatlong rehiyon na dating nakatalaga ang heneral.
“Kagaya si Loot. Region I, nandiyan ‘yang pangalan niya. General Loot. Region II, nandoon ‘yung pangalan niya. Region III, nandoon ‘yung pangalan niya. Region IV, nandoon. What does that mean? It means to say that wherever he was assigned, he was into drugs. That is what it means,” aniya.
Habang hawak ang aniya’y narco-list na nagtataglay ng 1,000 at makapal, sinabi ni Pangulo, nag-aalala siya na maunahan pa siyang paslangin ng mga suspek bago pa niya ‘mapatay’ silang lahat.
“Sa rami, hindi ko kayang patayin lahat. Baka ako pa ang patayin nito. You know ito lahat iyan. Tapos ito na ang last. Alam mo, ang kontra ko rito, governor, congressman, mayor, barangay captain. Nasa gobyerno. How can I build a case na ganito?” pahayag ng Pangulo habang nakaturo sa listahan.
Aniya, binura na niya sa listahan ang mga Alcala ng lalawigan ng Quezon makaraan madakip ang dalawa at sumuko sa mga awtoridad ang Quezon top drug lord na si Cerilo ‘Athel’ Alcala.
“Ang nandito, na-erase na, iyang si Alcala. Sabi ko, planuhin ninyo iyan. Mabigat iyan. Congressman. O kita mo, nandiyan, labas talaga,” aniya.
Si Athel ay kapatid ni dating Agriculture Secretary Proceso Alcala at tiyuhin ni incumbent Lucena City Mayor Roderick Alcala.
Ipinahiwatig ng Pangulo, posibleng “army” ang pumaslang sa mag-asawang Melvin ‘Dragon’ Odicta at Merriam, bantog na drug lord sa Western Visayas, sa Caticlan Port sa Malay, Aklan kamakailan.
“Nasa listahan din ‘yung Odicta. Wala e, si Odicta, sinalvage, siguro mga army ‘yun kasi harap-harapan na,” ani Duterte.
Binigyang-diin niya sa mga sundalo na huwag hayaang masira ang bayan dahil nakahanda siyang magpakulong bilang commander-in-chief kapag inasunto ang kawal sa pagtupad sa tungkulin alinsunod sa Konstitusyon.
ni ROSE NOVENARIO