KAMOTE ang mga kalaban ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-iisip ng paraan para wasakin siya dahil magaling siya sa psywar at eksperto sa ‘geopolitics.’
Sa panayam sa Palasyo, sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, sa husay sa psywar o psychological warfare ni Pangulong Duterte ay nahihirapan ang mga kritiko na siya ay basahin.
Ang psywar ay tumutukoy sa ano mang aksiyon na ginagawa para makaimpluwensiya sa mga taong target na paniwalain.
Ipinagmalaki ni Panelo, maging ang world leaders ay hanga sa galing ni Pangulong Duterte dahil marami siyang alam at eksperto sa geopolitics.
Ang geopolitics ay isang pag-aaral ng mga epekto ng geography sa international politics at international relations.
“He’s not only presidential, he is knowleadgeable, he reads a lot, he is even an expert in geopolitics. Hindi nila alam kung paano babasahin ang presidente. Magaling sa psywar,” dagdag ni Panelo.
Giit ni Panelo, ang pagbalangkas ni Pangulong Duterte ng independent foreign policy ay nakatuon sa pagsisilbi sa interes ng bansa at hindi padedehado sa mga dayuhan at kaalyadong bansa.
“Magaling siya. Even charting an independent foreign policy. Which does not mean naman na aawayin mo ang isang bansa. Ang sinasabi niya lang excuse me, kami ang aming policy dito sa aming bansa para sa interes namin, e tapos na ‘yung gagamitin kami, ‘di na pupuwede. Kami kaibigan namin ‘yan lahat pero depende kung ano tratamiyento ninyo sa amin,” sabi ni Panelo.
Hindi aniya makatuwiran na ikompara si Pangulong Duterte sa mga Ampatuan na war lord sa Maguindanao, at kay Pablo Escobar na drug trafficker sa Colombia, gaya nang inihayag ni Sen. Antonio Trillanes IV.
“Definitely not. Iba ‘yung Presidente natin. Magaling talaga itong Presidente natin. Tingnan mo all the heads of state were in awe in admiration of this President,” aniya.
Si Trillanes ay kritiko ni Pangulong Duterte mula pa noong kampanya ng 2016 elections at kaalyado ngayon ni Sen. Leila de Lima sa pag-iimbestiga sa extrajudicial killings kaugnay sa drug war ng administrasyon.
( ROSE NOVENARIO )