KUWENTONG kutsero ang mga inilahad ni Edgar Matobato, ang testigong inilantad ni Sen. Leila de Lima bilang pangunahing testigo kaugnay sa sinasabing matagal nang pagkakasangkot si Pangulong Rodrigo Duterte sa extrajudicial killings.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, puro kasinungalingan ang inilako ni Matobato sa Senate hearing kamakalawa at masyadong halata na ginagamit lang siya para siraan si Pangulong Duterte.
Ang gulo umano ng mga kuwento ni Matobato at sa rami nang ikinompisal niyang pinaslang ay hindi naman kilala ng testigo ni De Lima.
“Tapos ‘yung facts niya ang gulo-gulo. Sasabihin niya, PAOCTF wala naman pala at that time, di naman pala nag-i-exist. Pagkatapos ngayon lang ako nakakita ng nagko-confess ng crime, ang dami raw niya pinatay pero ‘di naman niya alam kung sino ‘yung mga pinatay. So you cannot even sue him because there is no victim. E obvious na obvious na nagsisinungaling. Kuwentong kutsero talaga ‘to,” ani Panelo.
May tsansa aniya si Matobato na isiwalat ang mga nalalaman niya sa EJKs nang isinailalim siya sa Witness Protection Program (WPP) noong administrasyong Aquino ngunit hindi inilabas kahit pa ang handler niyang si De Lima bilang justice secretary.
Ang WPP ay nasa ilalim nang pangangasiwa ng DOJ.
“E unang-una nga, ang tagal-tagal bakit ngayon mo lang sinasabi ‘yan. There is no sane reason bakit ‘di mo sinabi noon ‘yan mayor pa si Presidente Duterte noon. Wala kang reason para hindi mo ibulgar ‘yun. Nasa WPP ka, protektado ka. Pangalawa, ang handler mo noon si Secretary de Lima, Senador ngayon, e bakit hindi mo inilabas ‘yun?” ani Panelo.
Bilang abogado, batid aniya ng Pangulo na walang kuwentang saksi si Matobato kaya hindi na dapat pansinin.
“E nakita mo hindi nga pinapansin. Kasi alam mo kaming mga abogado kung wala kakuwenta-kuwenta ‘yan hindi talaga namin papansinin,” giit niya.
Tiniyak ni Panelo, hindi mapipigilan ng ano mang black propaganda ang kampanya ng administrasyong Duterte kontra-droga at terorismo.
“But no amount of black propaganda, no amount of sinister, ploy or plan will stop the President from his relentless campaign against the drug menace and terrorism,” dagdag ni Panelo.
Payo ni Panelo kay De Lima, “Do your homework.”
( ROSE NOVENARIO )