MAHIGIT kalahating bilyong piso kada buwan ang nawawala sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at napupunta sa bulsa ng sindikato dahil sa korupsiyon.
Sa kanyang talumpati sa pagbisita sa Camp Tecson sa San Miguel, Bulacan, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte, nakipagsabwatan ang nakaraang administrasyon ng PCSO sa gambling lords para maging prente ng jueteng ang small town lottery (STL) at lotteng sa lotto.
Dahil sa nasabing sabwatan ay nalulugi ng P20-M kada araw o P600-M bawat buwan ang PCSO.
Napaulat na ang nakakopo ng franchise sa STL, lotto, KENO noong administrasyong Aquino ay mga gambling lord.
Giit ng Pangulo, kaya niya itinalaga si ret. Marine General Alex Balutan bilang bagong general manager ng PCSO ay dahil isa siya ‘berdugo’ na inaasahan niyang bubuwag sa sindikato sa nasabing ahensiya.
Paliwanag niya, kaya niya binawi ang unang appointment ni Balutan bilang hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) ay dahil kaya na ng Special Action Force (SAF) ang trabaho sa New Bilibid Prison (NBP).
Matatandaan, ibinunyag ni Pangulong Duterte na may shabu laboratory sa NBP at ang operasyon ng illegal drugs ay kontrolado ng VIP inmates na sina Herbert Colangco at Peter Co na protektado aniya ni dating Justice Secretary at ngayo’y Sen. Leila de Lima at ang driver-lover ng senadora na si Ronnie Dayan ang nangolekta ng campaign funds para sa mambabatas noong nakalipas na halalan.
Pinuri rin ni Pangulong Duterte ang kredibilidad ni retired police general Jorge Corpuz na itinalaga niya bilang PCSO chairman dahil matagal na niyang kilala.
Binigyang katuwiran ng Pangulo ang paghirang sa mga retiradong police at military officers sa kanyang administrasyon dahil mas madali aniyang utusan ang mga dating unipormado kaysa sibilyan na matigas ang ulo at may katamaran.
ni ROSE NOVENARIO