ITINALAGA ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bagong miyembro ng Judicial and Bar Council ang kaklase niya na nagbasura sa mga kaso ng anak ni dating Communist Party of the Philippines (CPP) Gregorio “Ka Roger” Rosal.
Sa transmittal letter ni Executive Secretary Salvador Medialdea kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, ipinaalam ang nominasyon ng Pangulo kay retired Pasig Regional Trial Court Judge Toribio Elises Ilao Jr.
Si Ilao ay kaklase ng Pangulo sa San Beda College of Law at sinasabing boxing buddy ng Pangulo sa kolehiyo.
Naging pamoso si Ilao nang hindi payagan si Andrea Rosal, anak ni Ka Roger, na ihatid sa huling hantungan ang kanyang bagong silang na anak na namatay nang ipanganak nang premature sa Philippine General Hospital noong Mayo 2014.
Gayonman, pinayagan niyang makapunta si Andrea ng tatlong oras sa burol ng kanyang baby ngunit mahigpit ang pagbabantay sa anak ni Ka Roger na noo’y political detainee at nahaharap sa kasong kidnapping at murder.
Uupo si Ilao sa JBC hanggang Hulyo 9, 2020 at kailangan ang kompirmasyon mula sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA).
Pinalitan ni Ilao sa puwesto si retired Court of Appeals Justice Santiago Lagman na bumaba sa puwesto noong Hulyo 9 bilang kinatawan ng pribadong sektor sa JBC.
( ROSE NOVENARIO )