UMPISA na nang paglalantad sa ‘baho’ ng administrasyong Aquino.
Isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaduda-dudang patakaran ng administrasyong Aquino na nagbigay pabor sa mga dambuhalang negosyante at naging dehado ang gobyerno.
Tinukoy ng Pangulo ang pag-absuwelto ng administrasyong Aquino sa pagbabayad ng buwis ng isang kompanyang sangkot sa pagpapatakbo ng energy plant.
Ayon kay Duterte, dapat ay may pitong bilyong piso na kokolektahin ang gobyerno sa isang energy plant ngunit ipina-waive ito ng dating administrasyon.
Ipinahiwatig ng Punong Ehekutibo, may-ari rin ng mga eroplano ang nasabing kompanya.
“We have a receivable from an energy plant of seven billion. Ni-waive. For what reason? I really do not know. And only one man can waive it. Seven billion, i-waive mo, for what? So walang bayaran dito, basta mayaman, wala. Lusot ‘yang mga eroplano,” sabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Philippine Air Force (PAF) kamakalawa.
Matatandaan, noong Pebrero 28, 2011 ay nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Executive Order No. 27 o Reduction and Condonation of Real Property Taxes and interest/penalties assessed on the power generation facilities of independent power producers under build-operate-transfer contracts with government-owned or controlled corporations sa lalawigan ng Quezon.
Batay sa ulat, naisalba ng EO 27 ang Aboitiz Power Corp. at Team Energy Corp. of Japan, may-ari ng Pagbilao coal-fired power facility sa pagbabayad ng may P6 bilyong amilyar na pagkakautang sa lokal na pamahalaan ng Pagbilao at pamahalaang panlalawigan ng Quezon.
Nais ni Pangulong Duterte na magbayad nang tamang buwis ang mga negosyante upang mapondohan ang mga programa at proyekto ng kanyang administrasyon.
Giit ng Pangulo, nakahanda siyang ‘pumatay’ para sugpuin ang korupsiyon sa gobyerno.
“Everybody will just have to behave. Wala tayong problema because kayo, regimented to behave. Ang korupsiyon sa gobyerno ang naka— Hayaan mo, tingnan mo, makapatay ako ng isa, dalawa, o tatlong direktor, titino itong putang inang bayan na ‘to,” pahayag niya sa PAF.
ni ROSE NOVENARIO