HINANGAAN ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang positibong kahalagahan ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipupursige ang independent foreign policy.
Sa kalatas ng CPP, inihayag ng grupo na bagama’t bilib sila sa sinabi ni Duterte na dapat nang lumayas ang tropang Amerikano ay dapat siyang magsagawa nang kongkretong hakbang upang maipatupad ang independent foreign policy bilang kauna-unahang Pangulo ng Filipinas na nagdeklara ng pagtutol sa pakikialam ng US sa internal na usapin ng bansa.
“The CPP and all revolutionary forces urge GRP President Duterte to put to concrete practice his declared policy of promoting an independent foreign policy. The CPP sees positive implications if such an avowal is actively pursued and translated into specific and concrete policies,” ayon sa CPP.
Puwede aniyang makipagtulungan si Duterte sa mga puwersang makabayan upang gisingin ang mga Filipino sa pantasya ng colonial mentality at iwaksi ang isang siglo ng US brainwashing.
Sabi ng CPP, mainam na tumulong si Duterte sa pagbubulgar ng madilim na kasaysayan ng kalupitan ng Amerika sa Filipinas, nang ipakita sa ASEAN ang mga larawan sa Bud Dajo massacre noong 1906 at pagkastigo sa kaipokritohan ng US na ginagamit ang isyu ng human rights para makialam sa internal na usapin ng bansa, partikular ang anti-drug war ng administrasyong Duterte.
Dapat aniyang maalaala ng sambayanang Filipino ang mga karumal-dumal na atraso ng Amerika nang sakupin ang bansa mula 1899-1913, lalo ang pagpaslang sa halos 1.5 milyong Filipino.
Giit ng CPP, wala ni isang US official ang napanagot sa heinous war crimes ng tropang Amerikano, kahit na si Gen. Jacob Smith na nag-utos na patayin ang lahat ng kalalakihan na higit sampung taon ang edad sa Samar at ninakaw pa ang Balanggiga bells bilang war booty noong 1903.
Hinimok ng CPP si Duterte na pangunahan ang pagbuhay ng isang non-aligned movement gaya nang ginawa ni Sukarno ng Indonesia noong dekada ’60.
Ayon sa CPP, ubrang gawin ni Duterte ang pagbuwag sa lahat ng US military facilities sa bansa, pagpapalayas sa tropang Amerikano at kanilang mga armas pandigma na nakahimpil dito, at ipawalang bisa ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), Mutual Defense Treaty (MDT), Visiting Forces Agreement (VFA) at iba pang di-patas na military treaties.
Maaari rin anilang magpasimuno si Duterte ng isang multi-country declaration na mananawagan sa paglayas ng lahat ng US warships at Chinese military vessels sa South China Sea upang maipatupad ang demilitarisasyon ng international trade route.
“GRP President Duterte can only establish mutual relations with the US as well as with China and other countries by establishing the Philippines as an independent and non-aligned country. To do so, he must end all agreements which bind the Philippines to the US and make the country a vassal of the US military. He must abrogate the Mutual Defense Treaty of 1951, the Mutual Logistics Service Agreement (MLSA), the 1998 Visiting Forces Agreement (VFA) and the EDCA. Only then can the Philippines stand on solid ground to demand equality and respect,” pahayag ng CPP.
( ROSE NOVENARIO )