HINDI makikialam si Pangulong Rodrigo Duterte sa ano man magiging pasya nI Indonesian President Joko Widodo sa magiging kapalaran ni Filipina drug convict Mary Jane Velosp.
“Follow your own laws. I will not interfere,” ani Pangulong Duterte kay Widodo ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella.
Giit ni Abella, walang direktang pahayag si Pangulong Duterte kay Widodo na ituloy ang pagbitay kay Veloso.
“There was none. There was no endorsement. He simply said, ‘Follow your own laws’,” ani Abella.
Iniulat kahapon ng Jakarta Post, binigyan na ng “green light” ni Duterte ang pagbitay kay Veloso, sinasabing ayon sa pahayag ni Widodo.
Walang impormas-yon si Abella kung nakausap ni Pangulong Duterte ang pamilya Veloso mula nang bumalik sa bansa nitong Bi-yernes mula sa Jakarta, Indonesia.
Matatandaan, sa kanyang press briefing sa Davao City International Airport nitong Biyernes, tumanggi si Duterte na isiwalat kung ano ang napag-usapan nila ni Widodo tungkol kay Veloso dahil kailangan muna niyang ipaalam ito sa pamilya ng Pinay drug convict.
( ROSE NOVENARIO )
Pamilya veloso nabigla sa execution reports
NABIGLA ang pamilya Veloso kaugnay sa ulat na nagbigay na ng ‘go signal’ si Pangulong Rodrigo Duterte sa Indonesian government para ituloy ang execution kay Mary Jane Veloso kaugnay sa kasong drug trafficking.
Bunsod nito, hiniling ng Migrante International, kabilang sa mga grupong tumutulong sa pamilya Veloso, ang paliwanag mula kina Duterte at Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay kaugnay nito.
Magugunitang nang dumating si Duterte sa Filipinas nitong Biyernes, kinompirma niyang tinalakay niya kay Widodo ang kaso ni Veloso ngunit tumangging magbigay ng detalye.