IPINAGMALAKI ng Palasyo ang pinakamahalagang mensaheng naiparating ni Pangulong Duterte sa kanyang pagdalo sa ASEAN summit sa Laos ay naipamukha sa US na walang karapatan ang Amerika na pumuna sa isyu ng human rights dahil maraming paglabag sa aspektong ito ang Estados Unidos.
Sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar kahapon, may sariling independent foreign policy ang Filipinas na sinusunod at hindi padidikita ang admininstrasyong Duterte kahit kaninong bansa.
Bago aniya batikusin ang human rights sa bansa ay dapat maunawaan aniya ng international community ang konteksto ng anti-drugs campaign ng gobyernong Duterte.
Naibulalas din aniya ng Pangulo ang sentimyento laban sa imperyalistang Espanya at Amerika na binusabos ang Filipinas sa loob nang mahigit 400 taon kaya dapat ipagmalaki ito ng mga Filipino.
Matatandaan, bago inihayag ni US President Barack Obama na dapat gawin nang tama ni Duterte ang kanyang kampanya kontra-droga ay inilabas ng Punong Ehekutibo ang mga larawan ng mga bangkay ng mga Filipino na walang habas na pinaslang ng tropang Amerikano sa inilunsad na pacification campaign noong Fil-Am War na ikinamatay ng 600,000 Moro.
Importante rin aniya na naiparating ng Pangulo sa ibang bansa na kailangan masunod ang “rule of law” sa foreign trade at dapat igalang ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa tunggalian sa teritoryo sa South China Sea.
Nakatutok aniya ang international community kay Pangulong Duterte dahil wala pang ibang lider na nakapagsalita ng mga inihayag ng Punong Ehekutibo sa ASEAN.
“Kung makikita ninyo iyong sinabi niya, talagang kikilabutan kayo dahil it was unprecedented, sabi nga ng Foreign Affairs at sabi din ng ibang dignitaries. So abangan na lang natin iyong mga susunod na mangyayari, kung ano pang bansa ang pupuntahan ng ating Pangulo,” ani Andanar.
Inaasahang susunod na bibistahin ng Pangulo ang Vietnam o Thailand ngayong buwan at pinag-aaralan na ang working visit niya sa Brunei na nakansela noong nakaraang linggo dahil sa pambobomba sa Davao City night market. Nakatakdang dumalo ang Pangulo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) leaders’ Summit sa Peru sa Nobyembre.
( ROSE NOVENARIO )