Saturday , November 16 2024

Palasyo sa publiko: ‘Wag matakot pero mag-ingat, magmatyag

090516_FRONT
NANAWAGAN ang Palasyo sa publiko na huwag pagapi sa takot sa teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) bagkus ay mamuhay nang normal ngunit maging maingat at mapagmatyag.

Sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar kahapon, seryoso ang administrasyong Duterte sa pagsusulong ng giyera kontra illegal drugs at terorismo kaya’t inaasahang gaganti sila sa paghahasik ng karahasan.

“It is apparent that terrorism and terrorist acts will happen and they happen during the most unsuspecting times ‘no. So we just really have to be careful. We have to accept the fact that our government is on serious war against illegal drugs and serious war against terrorism in Sulu, in Basilan, and these terrorists will always find a way to retaliate ‘no. Of course, iyon ang ano nila e, iyon ang trabaho nila, to terrorize people. And for us also, the citizens, to ensure that we are not cowed by the terrorists, we continue with what we do because if we stop what we’re doing, parang nanalo po ang terorista niyan ‘no,” ani Andanar.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan nang pakikipagtulungan ng publiko sa awtoridad upang labanan at matalo ang “faceless enemy.”

“We are facing a faceless enemy, and the best way is to get our act together as government and as one people. Because the best way that we can defeat terrorists, alam mo naman ang mga terorista… matakutin. They always want to fight with the other… with the opponent blinded ‘no. Ayaw nilang humarap nang harap-harapan,” aniya.

Hinimok ni Andanar na maging responsableng mamamayan ang lahat at agad na iulat sa awtoridad ang mga kahina-hinalang kilos para mapanatili ang kaayusan at mapangalagaan ang seguridad ng pamayanan.

Sa ginanap na cabinet security cluster meeting kamakalawa ng gabi, inilahad ng Pangulo batay sa inisyal na imbestigasyon, 85% ang posibilidad na ang pambobomba sa Davao City ay kagagawan ng ASG, 15% ay maaaring druglords at 5% ay maliliit na breakaway groups.

Hindi aniya nababahala ang Palasyo sa inilabas na travel warning ng US, UK, Canada at Australia laban sa pagbibiyahe sa Mindanao dahil responsibilidad nila ito sa kanilang mga mamamayan na nasa Filipinas.

Mahigit isang libo aniyang isla ang bumubuo sa bansa na puwedeng pagpilian puntahan ng mga turista at tiyak ang kaligtasan nila dahil laging nakahanda ang awtoridad.

ni ROSE NOVENARIO

Sa giyera vs ASG
TULONG NG MILF/MNLF
‘DI KAILANGAN – DIGONG

WALANG plano si Pangulong Rodrigo Duterte na magpasaklolo sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) para durugin ang teroristang Abu Sayyaf Group (ASG).

Ayon kay Communications Secretary Martin Andanar, may sapat na kakayahan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para labanan ang ASG lalo na’t idineklara ni Pangulong Duterte ang state of lawless violence sa buong Filipinas makaraan ang pambobomba sa Davao City nitong Biyernes ng gabi.

“Sa ngayon ay may kapasidad po ang Philippine National Police at ang Armed Forces of the Philippines, ito rin ay base na rin po sa deklarasyon ng ating Pangulo, ang kanyang pag-pronounce nitong state of lawlessness. So for now, the authorities that we have right now are… tamang-tama lang… kayang-kaya nila ang trabaho,” ani Andanar.

Walang impormasyon si Andanar kung nasundan pa ang pag-uusap sa telepono nina Pangulong Duterte at MNLF founding chairman Nur Misuari noong nakalipas na linggo.

“Wala pa akong update riyan. Wala akong firsthand information about sa usapan po ni Presidente at ni Nur Misuari,” aniya.

Matatandaan, inatasan ni Pangulong Duterte ang pulisya’t militar na huwag isilbi ang warrant of arrest laban kay Misuari sa kasong rebelyon kaugnay sa Zamboanga siege noong 2013.

Nagpahayag nang kahandaan si Misuari na makipagkita kay Pangulong Duterte sa Kuala Lumpur, Malaysia sa harap ng mga kinatawan ng Organization of Islamic Conference (OIC) upang buhayin ang peace talks ng gobyerno at MNLF.

Ngunit sa unang pagkakataon ay hinamon ni Pangulong Duterte noong Hulyo 26 ang MILF at MNLF na putulin ang koneksiyon sa ASG.

“I want to hear from MI(LF) and MN(LF) that they don’t have anymore connection with the Abu Sayyaf,” ayon sa Pangulo sa kanyang talumpati sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija.

Ang mga armas aniya ng mga bandido ay mula sa MILF at MNLF.

“If the MILF and the MNLF would not cut their connection with the Abu Sayyaf, I don’t think there will be significant result (in the talks),” ani Duterte.

( ROSE NOVENARIO )

MAJOR CITIES HANDA SA PNP TERROR ATTACKS

TITIYAKIN ng pulisya na nakahanda ang lahat ng pangunahing mga lungsod sa mga pag-atake katulad nang pagsabog sa Davao City nitong Biyernes ng gabi.

“Dahil sa pangyayari tinamaan yung Davao so dapat prepared na rin ang lahat ng mga siyudad. We don’t want to be panicky, but mas maganda ‘yung sigurado tayo dahil ongoing ang ating mga operations,” pahayag ni PNP chief, Director General Ronald dela Rosa sa Davao City kahapon.

Ayon kay Dela Rosa, inaasahan nilang ang mga suspek sa pagpapasabog sa night market, ay naghihintay lamang ng pagkakataon para mailunsad ang susunod na pag-atake.

“Sigurado na maghahanap na lang sila ng paraan na maluluwagan sila o malulubayan,” aniya.

Nagtungo si Dela Rosa sa Davao City nitong Sabado para lumahok sa Cabinet meeting na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa PNP, ang pulong ay kaugnay sa pagsabog sa night market sa Roxas Avenue.

Aniya, ang taktika na gagamiting ng gobyerno kasunod nang pagsabog, ang tinalakay, ngunit tumangging magbigay ng detalye.

“They are more or less classified so sa amin na lang muna iyon, so it was all about the incident. It was all about the inciden,” ayon kay Dela Rosa.

 BUS TERMINAL NANATILING MAHIGPIT

NANATILING mahigpit ang seguridad sa bus terminals sa Cubao, Quezon City.

Ito ay makaraan itaas ang alerto ng pulisya sa Maynila bilang bahagi ng “state of lawlessness” na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Sabado.

Sa Araneta Bus Terminal, nakadestino ang isang unit ng Quezon City Police District (QCPD) bomb squad upang maiwasan ang pagpasok ng explosives sa lugar.

Katulong ng mga operatiba ang isang K-9 na kayang mag-detect ng iba’t ibang uri ng bomba tulad ng improvised explosive device o IED na ginamit ng Abu Sayaf sa Davao City nitong Biyernes ng gabi na nagresulta sa pagkamatay ng 15 katao.

Mayroong bomb-sniffing dogs ang ilang terminal sa Cubao at dinoble ang presensiya ng mga pulis na nasa terminal.

About Rose Novenario

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *