ITINALAGA ni Pangulong Rodrigo Duterte si Executive Secretary Salvador Medialdea bilang caretaker officer ng bansa habang nasa Laos siya para dumalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ngayong linggo.
“Matutuloy po ang paglipad namin sa Laos kasama po ang ating Pangulong Duterte bukas. Tapos ang magiging caretaker officer po ng ating Pangulo habang nasa ibang bansa ay si Executive Secretary Bingbong Medialdea,” sabi ni Communications Secretary Martin Andanar kahapon.
Kinansela ng Pangulo ang kanyang nakatakdang working visit sa Brunei kahapon makaraan ang pag-atake ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) sa Davao City nitong Biyernes ng gabi na ikinamatay ng 15 katao at ikinasugat ng marami pang iba.
Nakatakdang tanggapin ni Duterte sa Laos ang pagiging chairman ng Filipinas sa ASEAN summit sa 2017 at inaasahang siyam na lider ng iba’t ibang bansa ang kanyang makahaharap sa bilateral talks.
Kasama sa makakausap ng Pangulo sa sideline ng ASEAN Summit sina US President Barack Obama at Russian President Vladimir Putin.
Sa Huwebes ay nakatakdang magtungo si Duterte sa Indonesia para sa working visit at kasama ang kaso ni Filipina drug convict Mary Jane Veloso sa pag-uusapan nila ni Indonesian President Joko Widodo.
( ROSE NOVENARIO )