INUTUSAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Interior and Local Government (DILG) na ipamahagi ang P4.7 bilyon benepisyo ng mga biyuda ng World War II veterans at mga retiradong sundalo.
Sinabi ni Pangulong Duterte sa mensahe niya sa paggunita ng National Heroes Day kahapon sa Libingan ng mga Bayani, P3.5 bilyon ay para sa kabayaran ng “arrears” ng mga biyuda ng mga beterano habang P1.2 bilyon sa retirees ng AFP.
Aniya, ilalabas ang naturang pondo sa lalong madaling panahon makaraan ipitin ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Bukod dito ay maglalaan ang Pangulo ng P250,000 mula sa Office of the President para sa mga pulis at sundalo na namamatay habang tinutupad ang kanilang tungkulin.
Ikinatuwa ng mga biyuda ng mga beterano na dumalo sa okasyon, ang pahayag ng Pangulo, anila’y matagal na nila itong hinihintay.
Nang bisitahin ang lamay ni PO1 Gary Cabaguing sa Catbalogan, Samar, sinabi ng Pangulo na si Interior Secretary Mike Sueno ang bahalang mamahagi ng pondo dahil ang DILG ang nakaaalam sa grassroots lalo’t may kontrol ito sa local government unit.
Sinabi ng Pangulo, hindi na ang mga beterano ang kailangan mag-follow-up kundi ang DILG na ang dapat makipag ugnayan sa kanila.
( ROSE NOVENARIO )