TAGUMPAY ang unang yugto ng drug war ng administrasyong Duterte kaya umuusad na sa second phase ang kampanya kontra droga.
Sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar kahapon, ang unang yugto ay pagsuko ng 700,000 drug addicts sa mga awtoridad.
“Kung makikita po natin ‘yung first phase ng laban kontra droga ay nagwagi na tayo, ‘yung first phase po ito. Ito ‘yung susumahin natin ‘yung mahigit 700,000 na nag-surrender or who turned themselves in para magpa-rehabilitate,” aniya.
Ang ikalawang yugto aniya ng drug war ay pagpapatayo ng mga rehabilitation center para sa mga nagumon sa ipinagbabawal na gamot.
Kailangan aniyang makontrol ang kilos ng mga lulong sa droga na nagkaroon na ng diperensiya sa pag-iisip para hindi maka-prehuwisyo sa publiko.
“So that is already the phase 2 of this drug war ‘no, creating all of this drug rehab na para at least ma-manage ang kanilang addiction at kung talagang beyond redemption na ho, ay mabantayan kasi hindi naman natin alam kung anong gagawin ng isang may sayad na. Kasi kung may sayad na, ibig sabihin ay psychological problem na ho, na humantong na ho sa ganoong lebel. So, kailangan ho ma-manage nang husto, kailangan mahiwalay ‘yung may pag-asa pa, mahiwalay na rin ‘yung wala nang pag-asa. ‘Yung gumagamit ng mga droga na mas mababa ang tama, tulad ng mga marijuana at kontra dito sa shabu na talagang fatal ‘no, matutunaw talaga, it will fry your brain, sabi ng mga Amerikano,” aniya.
Nauna nang tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga espasyo sa kampo militar na pagtatayuan ng drug rehabilitation center.
Puspusan aniya ang pagsusumikap ni Pangulong Duterte upang matupad ang kanyang ipinangako sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan ay masusugpo ang problema sa illegal drugs, corruption, at krimen.
“Ito’y ginagawa naman ng Pangulo, sa mas lalong madaling panahon. Ang pangako ng ating Pangulong Duterte, ito ay malinis, within three to six months, mga 70 to 80 percent, ay malinis na ito,” dagdag niya.
Ang pagbubulgar aniya ng Pangulo ng narco-list, narco-generals at drug matrix ay bahagi ng tagumpay ng first phase ng drug war at sa susunod na mga araw na natapos na ang imbestigasyon ay sasampahan ng kaukulang kaso ang mga personalidad na napasama sa mga listahan.
“Wala hong ano ‘yan, wala hong timeline ano. Basta as soon as possible kapag nakitaan po ng kompleto, talagang prima facie evidence, at kung hindi po nakapagsumite ng counter-affidavit ‘yung persons of interest ng Philippine National Police, PDEA, at ng DoJ, then kakasuhan,” ani Andanar.
( ROSE NOVENARIO )