PABOR si Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban ang nakatakdang barangay at Sanggunian Kabataan (SK) elections sa darating na Oktubre dahil nangangamba siyang babaha ng drug money.
Sa ika-10 anibersayo ng Eastern Mindanao Command kagabi sa Davao City, sinabi ng Pangulo na naniniwala siya na popondohan ng drug lord ang mga manok nilang kandidato sa barangay elections.
Kapag nahalal aniya ang narco-politicians ay mangangailangan na isailalim niya sa martial law ang buong bansa na ayaw niyang mangyari.
Nauna nang napaulat, umabot sa 98% ng barangay sa buong Filipinas ay kontaminado ng illegal drugs.
Nakatakdang isiwalat ni Pangulong Duterte sa mga susunod na araw ang second batch ng kanyang listahan ng narco-politicians na kasama ang pangalan ng mga lokal na opisyal hanggang sa antas ng barangay.
Kamakailan, 160 opisyal at kawani ng pamahalaan, pati na pitong hukom ang ibinunyag ni Duterte na kasama sa kanyang narco-list.
Inalmahan ito ni Chief Justice Lourdes Sereno gayonman pinawi ng Pangulo ang pangamba na iiral ang anarkiya sa bansa bunsod nang inilulunsad na drug war ng kanyang administrasyon.
Tiniyak ni Duterte na ang awtoridad ay sumusunod sa rule of law sa pagpapatupad ng kampanya kontra droga.
ni ROSE NOVENARIO