INILABAS na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hawak niyang matrix na makikita ang sinasabing kalakalan ng illegal na droga sa Bureau of Corrections.
Gaya nang naunang nabanggit ng pangulo, kasama sa tinagurian niyang “Muntinlupa Connection” ang pangalan ni Senator Leila de Lima, ang kanyang dating driver na inaakusahang lover na si Ronnie Dayan, dating governor at ngayon ay 5th District congressman ng Pangasinan Amado Espino, dating Pangasinan administrator Rafael Baraan, kapatid niyang si dating Justice Undersecretary Francisco Baraan III, at Pangasinan Board Member Raul Sison.
Isinulat ni Pangulong Duterte sa kanyang matrix na si Espino ay nakapiyansa ngayon sa kasong plunder dahil sa illegal mining case.
Sangkot din aniya si Espino sa black sand mining, quarrying at jueteng.
“According to BM Raul Sison, “Gov Espino is the richest politician in the Northern Luzon.” He has amassed-unexplained wealth.”
Si Espino ay isang PMA graduate at isang retired PNP general at humawak ng maraming matataas na puwesto mula noong umiiral pa ang Philippine Constabulary.
Kasama rin sa matrix ng presidente si dating Bureau of Corrections chief Franklin Bucayo na mula pa noong naging PNP regional director ng Region 1 ay nagbibigay ng pera kay De Lima sa pamamagitan ni Dayan.
Bago ito, binalewala ni De Lima ang matrix ng Pangulong Duterte.
Ayon sa mambabatas, tinatawanan na lang niya ngayon ang mga ganitong pahayag dahil alam niya sa kanyang sarili na wala siyang papel sa ano mang drug transactions.
Bagama’t mabigat na paratang aniya ito, hindi na siya natatakot dahil walang naipakikitang ebidensiya ang mga nag-aakusa sa kanya.
Sinabi ni De Lima, mapapahiya lamang si Pangulong Duterte at handa siyang magpabaril at magbitiw sa puwesto kung may tunay na ebidensiya laban sa kanya.
“Such accusations of my alleged drug links are a complete falsehood, an absolute lie,” ani De Lima.
( ROSE NOVENARIO )