INAMIN ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilang beses na niyang pinilit makipag-away sa maka-kaliwang grupo pero hindi siya pinatulan bagkus ay nagpakita pa nang kahandaan sa peace talks.
Sa kanyang talumpati sa mass oath taking ng mga opisyal ng PCCI, ECOP, Phil Export sa Malacañang kahapon, sinabi ng Pangulo na ang pagpayag ng makakaliwang grupo na maitalaga bilang mga opisyal ng kanyang administrasyon.
Nang magdeklara aniya ng unilateral ceasefire ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ay nagpasya na siyang hindi na dapat patagalin pa ang pagsisimula ng peace talks.
“If per chance, I could hit a deal with the Left, we’re halfway through. And maybe, the indication that they are really willing to talk is they allowed their compatriots to join government service. That’s one. Second is, ilang beses na ako, some opportune time really to picking a quarrel, puro hindi naman sila pumatol. So, behooves upon me now to declare after this meeting, I will… because they have declared the ceasefire. Wag nang pa-tagalin para you know, just picking fight there. Payag na ako. They are already in Oslo – Dureza and Bebot Bello,” aniya.
Sa kasalukuyan ay wala pang plano si Pa-ngulong Duterte na magtungo sa Oslo, Norway para sa peace talks at hihintayin niya kung ano ang magiging resulta ng pag-uusap ng government peace panel at CPP-NPA-NDF panel.
Oras na magkaroon ng progreso sa pag-uusap, maaaring harapin ng Pangulo ang mga pinuno ng kilusang komunista sa isang neutral country.
Matatandaan na nagpalitan ng maanghang na salita sina Duterte at CPP founding chairman Jose Ma. Sison matapos bawiin ng Punong Ehekutibo ang nauna niyang idineklarang unilateral ceasefire noong Hulyo 25 makalipas ang limang araw nang mapaslang sa opensiba ng NPA ang isang paramilitary at apat na iba pa ang nasugatan.
( ROSE NOVENARIO )