NAALARMA ba ang dating Governor na si Chavit Singson sa tsikang manggugulo ang mga terorismo at balak bombahin umano ang Miss Universe Pageant ‘pag ginawa sa Pilipinas next year?
“Ganyan naman ang mga threat ever since ‘yung mga nangyari na rito sa ating bansa,” reaksiyon niya sa get-together party niya sa movie press.
Ganyan din daw ang banta noong dumalaw sa ‘Pinas ang Santo Papa at ginanap na APEC Summit sa atin.
“Pero mag-iingat din. Ganoon naman lahat ng threat nila ‘pag may event. You just have to be extra careful at nakikipag-coordinate na kami ngayon sa mga military and police,” dugtong pa ni Manong Chavit.
Nagkita na rin daw sila at nagkausap ng reigning Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach. Isang beses daw nakapunta sa bahay niya si Pia.
“Maganda si Pia, puwede talaga nating ipagmalaki,” bulalas pa niya.
Nakikipagtulungan naman daw ang lahat sa malaking event na mangyayari sa ating bansa. Tuloy-tuloy daw ang meeting nila sa Miss Universe at kasama si Pia roon.
Ano naman ang reaksiyon niya kung sakaling magwagi ulit ang Pilipinas sa Miss Universe. Mabibigyan kasi ito ng kulay dahil sasabihin nila luto ang laban at ‘hometown decision’?
“Hindi natin masasabi ‘yan. Maganda naman siya, eh. Depende naman sa judges, eh,” pakli niya at ngayon ay sinasabi na ni Manong Chavit na hindi siya kasama sa mga hurado.
Anyway, bukod sa Miss Universe, nakatakda ring ipalabas ang prodyus niyang show na Happy Life.
“Ang concept ng ‘Happy Life’, pupunta sila sa mga probinsiya, kukunan ang mga magagandang tanawin para sa turismo natin, tapos pupunta sila sa nangangilangan ng eskuwelahan o hahanapin nila ang pinakamasipag na farmer. Pupuntahan nila.
“Itong show na ito, ayaw namin ng dole-out. Gusto namin, reward system. So, sa probinsiyang ‘yan, kung sino ang pinakamasigasig, pinakamasipag na farmer, iimbitahin sa Maynila, ititira sa first class hotel, pakakainin, shopping, lahat ng buhay-mayaman, pagbalik niya, bago na ang bahay niya,” sey pa ni Manong Chavit.
Nasa seventh episodes na raw ang nai-tape ng nasabing travel show, charity show. Kailangan makatapos sila ng 12 episodes bago iere sa isang network.
Ito rin daw ang paraan niya of giving back sa tagumpay na ibinigay sa kanya ng Panginoon mula pa noon. Katwiran niya, hindi niya madadala ang pera niya sa hukay kaya gusto niyang ipamigay lahat.
“Ang show na ‘yun, to encourage others to do the same—ipamigay ang pera dahil money is not yours until you spend it. So, ako ipamimigay ko lahat. Bibigyan ko rin ang mga anak ko pero ipamimigay ko lahat, dahil ‘pag namatay ako hindi ko madadala lahat ‘yun,” deklara niya.
Abangan na lang kung saan station ipalalabas. Ito ay sa direksiyon ni Eric Quizon.
TALBOG – Roldan Castro