ISANG linggo bago simulan ng Senado ang imbestigasyon sa sinasabing extrajudicial killings dulot ng “drug war,” pinulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pitong senador sa Palasyo kamakalawa ng gabi.
Sa meeting sa State Dining Room sa Palasyo, nakasalo sa hapunan ni Pangulong Duterte sina Senators Joel Villanueva, JV Ejercito Estrada, Cynthia Villar, Alan Peter Cayetano, Ralph Recto, Richard Gordon, at Juan Miguel Zubiri, kasama sina Cabinet members Finance Secretary Carlos Dominguez III, Executive Secretary Salvador Medialdea, at Special Assistant to the President Christopher Go.
Tikom ang bibig ng Palasyo sa naging agenda ng pulong ngunit ayon kay Villanueva, tax reforms ang pangunahing tinalakay sa pulong ngunit napag-usapan din nila ang isyu ng pagkakasangkot ng ilang pulis at lokal na opisyal sa operasyon ng illegal drugs.
“All about tax reforms. Parang side issue lang ‘yung mga police involved in drugs pati ‘yung ilang LGU officials. Mahaba rin ang presentation, detailing their reform agenda in the tax system,” ani Villanueva.
Matatandaan, dalawang araw makaraan ibulgar ni Pangulong Duterte ang pangalan ng narco-generals at matrix ng drug syndicate noong Hulyo 5, naghain ng resolusyon si Sen. Leila de Lima para siyasatin ng Senado ang naging talamak na extrajudicial killings sa bansa mula nang maluklok sa Palasyo si Duterte.
Habang nais isulong ni House Speaker Pantaleon Alvarez na imbestigahan ng Mababang Kapulungan ang paglaganap ng illegal drugs sa New Bilibid Prison sa panahong nasa pangangasiwa ni De Lima bilang justice secretary.
( ROSE NOVENARIO )