HANGGANG ngayon ay malaking katanungan, kung paano nakapasok sa Parañaque city jail ang dalawang granada na sumabog nitong Huwebes ng gabi, na ikinamatay ng sampung preso, kabilang ang tatlong Chinese national, at ikinasugat ng Jail Warden.
***
Suwerte ni jail warden Supt. Gerald Bantag, dahil nakaligtas siya kahit may tama ng mga sharpnel sa mukha at sa kanang hita.
Suwerte niya, dahil buhay pa siya!
Kapabayaan nga kaya ng mga nakatalagang jailguard na nagkulang sa pagsasagawa ng inspeksiyon sa bawa’t selda?
Ang katanungan ay paano nakapasok ang granada sa nasabing kulungan?! Sino ba talaga ang may-ari ng baril na UZI na narekober? Bakit umabot sa 14 na basyo ng bala ang nakuha?
Ipinutok ba o nadamay lang sa putukan
***
Walo sa mga namatay na inmates ay pawang may kaso na may kaugnayan sa ilegal na droga,tatlo sa kanila ay Chinese nationals.
Ang hangarin na kausapin si Warden dahil nakatakdang ilipat ang mga preso sa ibang kulungan, bagay na mahigpit na tinanggihan ni Warden, hindi batid kung ini-hostage ang Warden.
Dalawang safety pin ang narekober sa scene, kaya dalawang granada ang sumabog.
***
Kung hostage ang nangyari para kay Warden ‘e sino ang may-ari ng baril na UZI? May nagbulong sa inyong lingkod na pag-aari umano ni Warden ang nasabing baril.
Totoo ba ito Warden?
Ang tanong tuloy, hindi kaya planado na ang lahat, dahil sa maigitng na kampanya laban sa droga?!
Kahit sa loob ng bilangguan ay hindi ligtas sa extrajudicial killings?
***
Teka, nasaan na ‘yung dalawang escort na jailguards na isang Zulueta at Pascua na kasamang pumasok sa tanggapan ni Jail Warden Bantag, bakit hindi sila sugatan?
Dakong 2:00 pm, araw ng Huwebes, nai-turnover ang preso ng PDEA, at ang dalawang preso umano ay hinihinalang mga bigtime pusher na ang nangyari ay suicidal upang hindi mabulgar kung sino ang drug Lord sa likod ng dalawang preso.
Blanko pa ang pulisya sa mga pangyayari. Ligtas na si Warden Bantag. Sinabi niyang hindi hostage ang nangyari at wala pang resulta ang masusing imbestigasyon ng pulisya.
***
Narekober sa mga namatay na preso ang isang UZI with silencer Ingram, isang basyo ng magazine ng UZI, dalawang safety pin ng hand grenade, 14 piraso ng fired cartridge case ng 9mm, dalawang piraso ng deformed fired bullet.
Kakatakot!
Maski nakakulong na puwede pang mamatay?!
ISUMBONG MO KAY LADY DRAGON – Amor Virata