NANINIWALA ang Palasyo na nakikipagtulungan si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa gobyernong Duterte.
Ito ang reaksiyon ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo sa pagtanggap ni Sereno sa paghingi ng paumanhin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa maaanghang na mga salitang pinakawalan ng punong ehekutibo laban sa punong mahistrado.
“The Chief Justice appreciates the President’s latest remarks. As previously announced, she will no longer say anything on the matter,” anang kalatas ng Korte Suprema kaugnay sa paghingi ng paumanhin ni Duterte sa kanya kamakalawa ng gabi sa Davao City.
Giit ni Panelo, dapat nagtutulungan ang bawat sangay ng pamahalaan at ipinaalala niya na ginagampanan lang ni Pangulong Duterte ang kanyang tungkulin na bigyan proteksiyon at pagsilbihan ang sambayanang Filipino.
“Kami naman, we believe that the chief justice is cooperating with the gov’t, e dapat naman talagang nagko-cooperate pare-pareho basta ang palagi lang naming predicate, na we would like to remind everyone in the government that under Article 2 states very clearly, that the government has the prime duty to serve and protect the people. E sino ba ang head ng government? Si Presidente, so he has the duty to protect and serve the people, serve and protect the people. That’s the primary duty of the President kaya ginagawa niya ang lahat,” pahayag ni Panelo.
Matatandaan, nagsimula ang iringan ng ehekutibo at hudikatura nang ibulgar ni Pangulong Duterte na pitong hukom ang kasama sa kanyang narco-list.
( ROSE NOVENARIO )