RESULTA nang katangahan at kasuwapangan ang Mamasapano incident na ikinamatay ng 44 Special Action Force (SAF) sa Maguindanao noong Enero 2015.
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati sa 1s Infantry Division sa Upper Pulakas, Labangan, Zamboanga del Sur kahapon, kaya inilarga ng administrasyong Aquino ang operasyon ng SAF sa Mamasapano ay para makubra ang limang milyong dolyar na pabuya para sa ulo ni Indonesian bomb expert Zulkifli bin Hir alyas Marwan.
Maghapon aniyang nagbakbakan ang tropa ng gobyerno at puwersa ng mga rebeldeng Muslim na nagresulta sa pagbubuwis ng buhay ng SAF 44.
“Yung sa Mamasapano, it is a question of greed, kuwarta. Gusto nila mamatay ang ating tao, ang tropa sa SAF because somebody para makuha nila ang reward na 5M, ‘yan ang pinag-awayan nila e. Ang gusto n’ya siya lang. Kaya… so there was fighting, almost the whole day, na ‘yung Region 11 Davao City may chopper, meron din sa Awang at sa Gensan,” anang Pangulo.
Tiniyak ng Pangulo na hindi mauulit ang madugong pangyayari sa kanyang administrasyon.
“Those are the things na hindi mangyari sa aking panahon. ‘Di ako payag sa mga ganyang ‘ginagong’ desisyon. It is very stupid. Maasahan n’yo hindi ako payag sa ganyan,” giit ng Pangulo.
Kaya inatasan niya si Defense Secretary Delfin Lorenzana na huwag palusutin ang mga baluktot na transaksiyon gaya nang naganap noong administrasyong Aquino.
Bibili aniya ang militar ng mga bagong armas para maging lalong handa at hindi isasakripisyo ang kalidad sa pagpili ng lowest bidder sa arms procurement sa AFP.
“That is why I placed at your disposal, certain amount. Noong sabi ko kay Lorenzana — ‘Yang nasa newspaper, wala pa kami n’yan, we were just 2 months, ‘yung mga baluktot na transaksiyon na kalokohan, we don’t have any part of the transaction. Sa dating admin ‘yun,” aniya.
“Di ako naniwala sa lowest bid kaya prone sa graft and corruption, kasi sa halip na bigyan ka ng maganda ‘yung low grade ibibigay, China exporting it. But I’m not inclined ‘di tayo sanay sa foreign na armas, may isang source or two. Ito ‘yung US, whom we have an alliance sa military,” sabi niya.
Isinantabi ni Duterte ang isyu nang pagtawag niyang “bakla” kay US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg dahil naniniwala siyang walang epekto ito sa matatag na relasyon ng Amerika at Filipinas.
“Hayaan mo na lang ‘yang mga sinabi ko sa ambassador kasi totoo naman ‘yan. During election, bakit ka magbigay ng statement when the election is going on. It is highly improbable, ‘yung ambassador sa Amerika — wala tayong pakialam diyan, that is our business. Kampanya ba ‘yun. But I will reiterate our strong alliance with Amerika,” giit niya.
ni ROSE NOVENARIO